diff options
Diffstat (limited to '42851-0.txt')
| -rw-r--r-- | 42851-0.txt | 3776 |
1 files changed, 3776 insertions, 0 deletions
diff --git a/42851-0.txt b/42851-0.txt new file mode 100644 index 0000000..641a715 --- /dev/null +++ b/42851-0.txt @@ -0,0 +1,3776 @@ +*** START OF THE PROJECT GUTENBERG EBOOK 42851 *** + + Aklatan ñg "Kami Naman" + + AGAWAN ÑG DAÑGAL + + Kasaysayang Tagalog + + Katha ni + + FAUSTA CORTES + + Nagíng Pangalawáng Pang-ulo ng "Liga de + Mujeres Filipinas"; Kinatawán sa Unang + Kapulungang Manggagawa at + Taga-Ingat-yaman ng + "Magdamayán At Nang + Matanghál". + + + + Ikatlong aklat ñg aklatan ñg + + "KAMI NAMAN" + + + Aklatan ng + "Kami Naman" + 1045, Daang Dart, Pako, + Maynila, K. P. + + 1914 + + + + + + + +SA TUTUNGHAY + + +Kapatid: ¡Kay laking pagkabigó mo! Oo, nabigo ka; sapagka't kaya mo +binili at babasahin itong Agawan ng Dangal, ay sa paniniwala mong +ito ay kagaya ng mga nabasa mo nang akda, na pawang mahahalaga at +matatamis. Samantalang ang Agawan ng Dangal ay dahóp na dahóp sa +palamuti ó hiyas na iyán. Salat sa matatamis na pananagalog. Dukha +sa matatayog na isipan. Kapós sa mararangal na turo. Paano'y ako sa +Lupon ng mga Manunulat ng "Kami Naman", ay isang baguhan sa larangan +ng panulat. Lakas-loob lamang ang umakay at nagbunsod sa akin. Gayón +ma'y naniniwala akóng pakikinabangan mo upang gawing aliwan. At huwag +nawang kumupas ang kapuripuri mong pagmamahal sa wikang tagalog. + + + Ang Kumatha. + + + + + + + +PATALASTAS + + +Ang AGAWÁN ÑG DAÑGAL ay siyáng ikátlóng aklat ñg Aklatan ñg "Kamí +Namán" na pinalabás ñg Lupon ñg mga Manunulat. Una ang "Tagumpay +ñg Apí" ni Bb. Pascuala Pintor at ikalawá ang "Tuntunin ñg Pulong" +ni G. Rosendo S. Cruz. + +Ang AGAWÁN ÑG DAÑGÁL ay ipinagbibilí sa lahát ñg bilihan ñg aklat +dito sa Maynila, sa halagáng dalawang piseta (P0.40) ang bawa't salin. + +Ang AGAWÁN ÑG DAÑGÁL ay mababasa rin ñg mga na sa lalawigan, kung +magpapadalá ñg halagáng isáng salapi (P0.50) kay Bb. Carmen de la +Rosa sa Aklatan ñg "Kamí Namán", 1045, daang Dart, Pako, Maynila, K. P. + +Ang AGAWÁN ÑG DAÑGÁL ay mapapakyáw sa Aklatan ñg "Kamí Namán" at +nagbabawas ñg malakí sa halagá. + +Ang AGAWÁN ÑG DAÑGÁL ay aring tunay ñg kumatha. + +Ang AGAWÁN ÑG DAÑGÁL ay gaya rín ñg lahát ñg sinulat ñg mga tagá +"Kamí Namán", na maaaring bilhín sa pamamagitan ñg liham. Sumulat at +ilakip ang halaga ñg aklat at gugol sa selyo sa nasabi ñg Aklatan ñg +"Kamí Namán", at walang salang di nila tatanggapín sa pagbalík ñg +korreo. Dapat ipadalá ang kalatas kay Bb. Carmen de la Rosa, ang +Pañgulo ñg Lupon ñg mga Manunulat ñg "Kamí Namán". + + + + + + + + AKLATAN ÑG + "KAMI NAMAN" + 1045, DAANG DART, PAKO, MAYNILA, K. P. + + LUPON NG MGA MANUNULAT + + MGA KATHANG LUMABAS NA + + + UNANG AKLAT + TAGUMPAY NG API + +Katha ni Bb. Pascuala Pintor, Pangulo ng Lupon ng mga Bituin ng "Kami +Naman" at pangatlo sa mga babaing pilipina na sumulat ng nobela. Ang +kathang ito ay larawan ng mga pusong kulang ng pagtatapat. + + + IKALAWANG AKLAT + TUNTUNIN NG PULONG + +Sinulat ni G. Rosendo S. Cruz, Pangulo ng Pamahalaan ng "Kami +Naman." Isang ganap na patakaran ng maayos na pagpupulong. Halaw sa +bantog na "Robert's Rules of Orders". + + + IKATLONG AKDA + AGAWAN NG DANGAL + +Akda ni Bb. Fausta Cortes, isa sa mga Bituin ng "Kami Naman" at +pangapat sa mga babaing pilipina na lumikha ng kasaysayang tagalog. Ang +akda ay matatarok sa pabasa ng aklat na itó. + + + + + + + + PANGUNANG HAKA + NI + G. ROSENDO S. CRUZ + + +Hiniling ng pinagpipitaganang kong Bb. Fausta Cortés, kumatha ng +aklat na ito, na ako ang siyang magbigay ng pang-unang salita dito +sa kaniyang akdang AGAWAN NG DANGAL. Pagkapalibhasa'y naging ugali +ko na ang di marunong sumuay sa mga ganitong pithaya, lubha pa't ang +humihiling ay isang gaya ni Bb. Fausta Cortés na di marapat pagkaitan, +kaya mahirap man sakali sa akin ang tumungkol sa ganitong bagay ay +tutupad ako at tahasang ilalahad ang aking mga kuro-kuro. + +May ilan nang taong lumipas ngayon na ang suliranin ng feminismo dito +sa ating bayan ay napagtalunan hanggang sa mga pahayagan. Pinagkuro +kong matamán ang mga katwirang pinanghawakan ng mga sangayon at di +sangayon, hanggang sa ang naging wakás ay napanig ang aking paniniwala +sa salungat. + +Parang pagsurot sa aking pagpanig sa mga di sangayon sa feminismo +ay walang kaabogabog ay sumipot naman ang mga kilalang kapisanan +ng mga babae na ang mga pamagat ay "Liga de Mujeres Filipinas" at +"Ang Babae Ngayon". Ang mga kapisanang ito, na pawang itinataguyod +ng mga babae ay nagpakita ng kanikanilang kasiglahan at kapuripuring +kabayanihan. Nang mapagmalas ko ang ganitong kilusan ng mga babae +ay unti-unting nahahapay ang aking pananalig sa di pagsangayon sa +kababaihan. Unti-unting nawala ang aking pag-aakalang ang mga babae +ay dapat lamang maging reina ng mga tahanan, bulaklak na humahalimuyak +sa isang halamanan. + +Hindi nga lamang ito ang siyang nakapaghawi sa tabing ng mali kong +akala, kundi ng matunghayan ko ang mga ilang aklat na katha ng mga +babae na ang mga ito ay ang "Sawing Pagasa" ni Bb. Francisca Laurel, +ang "Nang Bata pa Kami" ni Bb. Pura L. Medrano, at ang "Tagumpay ng +Api" ni Bb. Pascuala Pintor. Ang pagsipot ng mga nasabing aklat ay +siyang lubusan na nagpagupo sa aking pananampalataya na ang mga babae +ay batbat lamang ng hiwaga, palamuti ng isang tahanan, at aliwan +sa magusot na buhay na ito. Ngayon ako nanalig na ang mga babae ay +hindi nga lamang pala isang kasangkapan sa loob ng ating mga tahanan, +ni bulaklak na samyuan ng bango, kun di ang mga babae nga pala ay +isang tunay ding lakás, isang bahagi ng lahi na may karapatan at +kakayahang makatulong ng pagpapaanyo ng isang bayan, ng isang lahi, +at ng sangkatauhan. + +Dapat alisin ang piring ng ating mga mata at ititig diyan, sa mga +babaeng may mga ginintuang pagkukuro. Dapat hangaan ang kanilang +katalinuhan at kailan man ay di nararapat ipalagay ng kahi't sino na +ang babae ay alangan sa pagkukuro ng isang lalaki. + +¿May alinlangan pa kayo? + +Naririto ang isa pang matibay na saksi ng aking mga +pangungusap. Basahin ninyo ang kathang AGAWAN NG DANGAL na bunga ng +isipan ng isa ding babae na si Bb. Fausta Cortés at pagkatapus ay +dilidilihin ninyo ang mga nasasaysay, tutupin ang inyong dibdib at +sabay na tanungin ang inyong sarili kung tunay ngang ang ganitong +panulat ay dapat hangaan at sampalatayanan. + +Ang aklat na ito ay isang matibay pa ngang saksi (aking inuulit) +ng katalinuhan ng mga babae, lalo't higit ang sa kaniya'y +kumatha. Dumadaliri ang aklat na ito sa maling kinahimalingan ng ilan +na pagmamaimbot ng sandat at imbing karangalan, pagwawalang bahala +na sa lahat, mangyari na ang ano mang mangyayari makaagaw lamang +at magtagumpay ang pagiimbot ng dangal. Anopa't ang aklat na ito +ay nararapat maging salaming malinaw ng mga masasama at mabubuting +kalooban. Ang suliraning idinudulot ng aklat na ito ay nasa babasa +ang kaibigan, alalaon baga'y, kung ang mangbabasa ay walang takot na +maging ganid at matapang ang loob na maging asal Kain ay pupulutin +niya ang mga pakana ng may masamang asal na nalalarawan sa aklat +na ito. Nguni't kung ikaw na mangbabasa ay kapatid ni Mabuting asal +at anak ni Malinis na budhi ay pupulutin mo naman ang mga bagay na +kapuripuring tinungkol ng ulirán ng magagandang asal. + +Dapat ngang hangaan ang panulat at pagkukuro ng babaing may katha ng +aklat na ito. Ang isang kabaro ni Eva na may ganitong katalinuhan ay +katangi-tangi. Ito'y talagang taglay ng kabihasnan. + +¡Sulong kayo kababaihan! Ngayon ay panahon ng pagkilos. Pagbibigti +ang pagwawalang kibo at pagpapakaimbi ang paghahalukipkip. + + + Rosendo S. Cruz. + Agosto 2, 1914. + + + + + + + +SA MGA BITUIN NG "KAMI NAMAN" + + +Makikislap na Bituin: + +Lahat ng búhay ay nagtatapos sa mapanglaw na kamatayan. Lahat naman ng +Samahan ay nagwawakas sa masaklap na paghihiwalay. Ang lakad na ito ng +kalikasan ay talagang di na mababago ngayon at sa haharapin. Nguni't +ang sanla ng pagaalaala, sagisag ng pagmamahal, ay di kumukupas kailan +man. Bagkus lalong nagiibayo habang tumatagal, ang tingkad at uri ng +katuturan. Paano'y walang pagmamahal na napariwara. + +Ang kalakhan ng aking pananalig, na walang pagaalaalang nasawi, ay +siyang nagutos sa akin, ng paghahandog ko ng maralitang akdang ito, sa +inyong kapitapitagang mga bakás; saksi ng aking pagmamahal. Inihahandog +ko sa inyong mga yapak, hindi upang kayo ay aralan, kung hindi upang +aliwin ang inyong mga pusong laging nangangarap ng biyayang dulot +ng pagibig. + +At ¿sino ako sa harap ng makikislap na «Bituin»? + +¡Ako! + +¿Ako ang mangangaral? + +¡Ni sa panaginip ay hindi mangyayari! + +Kailangang masaulo ko ang dunong ng sangkatauhan; kailangang matarok +ko ang lihim ng sangkalangitan; kailangang ako ay maging araw muna, +bago ako lumuklok sa matayog na karangalang guro ng mga «Bituin».... At +sapagka't hindi mangyayari ang ginto kong guniguni, ay manulos na +lamang tayo, sa ang AGAWAN NG DANGAL ay inihahandog ko sa inyo, +tanda pang minsan ng aking pagmamahal. + +Inihahandog ko rin namán sa inyo, upang kung kayo ay umaawit na ng +bagong búhay, ay magunita man lamang, na kayo ay naging «Bituin» ng +«Kami Naman», suló na tumanglaw sa landás na binagtasan ng masisikap +na kawal ng kilusan ng mararalita. At mapagukulan nawa ninyo ng +dukha mang alaala ang mga nasawi sa pagsisigasig na itanghal ang +bayang mahirap. Sa gayon ay mabibilang tayo sa boong sangsinukob na +humahanga at nagdadangal sa mga pinagpala dahil lamang sa pagsisikap +na buhayin ang naghihingngalong pagkakapatiran.... + +¡Maging dapat nawa sa inyong kadakilaan!... + +Nakikipagkapatiran, + + + Fausta Cortes. + Pako, 5 ng Mayo ng 1914. + + + + + + + + AGAWÁN ÑG DANGÁL + + + "Pagpipilitan naming bakahin ang lalong masamang sakít + ng tao: ang AGAWÁN NG DANGÁL, sakít na nagbabagsak + ng mga banal na layon at dakilang pangarap; sakít + na lalong mabisa sa pagpatay sa naghihingngalong + pagkakapatiran at pipilitin naming sa ibabaw ng sakit + na iyán, ay magluningníng ang tagumpay ng wastong + ugali, ang paggalang at pagibig ng tao sa tao...." + + --Mga pangungusap ni G. Angel de los Reyes, Pangulo + ng "Kami Naman," sa talumpating binigkás nitó sa + pagtatanghál ng Samahán, noóng iká 26 ng Oktubre, 1912. + + + + + + + +I + +MGA PUSONG NAMANDAW NG KAPWA PUSO + + +Ang kapanglawang naghari ng gabing yaon sa isang nayon ng Pako ay +binulahaw ng pagtapat ng ilang pusong namamandaw ng kapwa puso. Noon +ay isa sa mga gabi ng Enero; gabing napakalungkot, palibhasa'y +mangilangngilang bituin lamang na nagbabansag ng kadakilaan ng Diyos, +ang nagaantilaw sa nagtatampong langit. Ang buwan noon ay nagmaramot +ng kanyang liwanag, at aywan kung saang sulok ng kalawakan nagkubli +ang kaibigan ng gabi. Samantalang ang mga kuliglig at panggabing ibon +ay umaawit ng tagumpay, ang mga bulaklak naman ay ipinagpapalalo ang +kanilang bango, alindog, at halimuyak. Nguni't, sa lahat ng ito ay +namamaibabaw ang tinig ng mga kalulwang idinadaing ang pagirog, gayong +ang bahay na tinatapatan ay waring libingang lahat ay natatahimik. + +Natapos ang pangbungad na tugtog. Isinunod naman ang isang magandang +gabi pong kundiman. At dito'y tinawagan na ang dalagang pinipintuho. Sa +pamamagitan ng malalambing na tinig, ay naunawa ng lahat ng doroon, +na si Dolores pala ang dinadaingan. + +Pagkatapos ng kundimang yaon, ay siya nang pagbubukas ng langit. Ang +lapat na durungawan ng bahay na tahimik ay nabuklat. Isang diwata ng +bagong panahon, isang bituing mayaman sa ganda, ay siyang tumanglaw +sa mga pusong mapagpuyat; nagsabog ng liwanag at tuwa. + +--Magandang gabi po!--ang magalang na bati ng lahat ng na sa lupa. + +--Magandang gabi po naman!--ang magiliw na tumbas ng binibini--Tuloy +kayo!... ¡tuloy!... + +Ang bahay na may kaliitan ay nagsikip sa labing tatlong kalulwang +umakyat sa langit. + +Ilang sandali lamang ang nakaraan at namayani na naman ang bigwela, +biyolin, bandurya at plauta. Ang kaniláng tunog na tagapagtaboy ng +hapis, ay minsan pang nagtanghal ng gilas. + +Sa isang dako naman ng harapang yaon, ang magandang si Dolores, ay +nagsasabog ng kanyang yaman: ng dilag at hinhin. Ang maayos na tabas +ng mukha ay napapatungan ng maiitim na buhok. Ang mapupulang pisngi +ay tumatapat sa matingkad na itim ng kilay. Malalagong pilik-mata +ang nagaalaga sa maamong malas. Isang katatagang tangos ng ilong ang +nagmamalaki sa madugong mga labi. At nagiinamang mga ngipin ang bakod +ng katamtamang bibig na binubukalan ng magigiliw na pananalita. + +Samantalang ang mga kaharap ay isinasaloob ang pagpapasarap sa kanilang +tugtugin, si Dolores naman ay isinasabog ang kanyang mga sulyap +at titig. Inisaisang lihim na minasdan ang mga binatang yaon. Ang +puso niya'y sisikdosikdo; parang giniginaw na nilalagnat. Alangang +magmalaki at alangang mangimi. + +Sa isang dako naman, ay payapang nakikinig ang isang ginoo. Matabang sa +mukha ay nababasa ang kagulangan na. Siya ay si kapitang Andoy na ama +ni Dolores; ang kilala sa pangalang Alehandro Balderrama. Siya ay isa +sa mga kinaaalangalanganan sa daang yaon ng Sagat. Baga man lipas na ay +kapitan pa rin ang tawag sa kanya. Sa tabi nito ay mukhang napopoot, +nakasimangot, at maasim na maasim ang mukha, ng kapitana Martina, +ang ali ni Dolores. Marahil ay dahil sa pagkabulahaw sa kanyang +tulog. Liban sa tatlong ito, kay Dolores, sa kanyang ama, at sa kanyang +ali, lahat na ng doroon ay kabilang na ng mga namamandaw ng puso. + +«Loleng nalulungkot ako!...» ang manay siyang bungad na kundiman +noong binatang tagaawit. Isang malumbay na tugtog ang isinaliw naman +ng bigwela. Si Dolores ay napalingon sa di kinukusa at naabala tuloy +na magpasigarilyo. Ang puso niya'y lalong nilagnat, at pinawisan siya +ng malamig. Irap naman ang itinugon ni kapitana Martina. At matapos +ang magiliw na awit sa «...ay, Loleng ng buhay ko!...» + +--Aling Loleng--ang saad ng isang makisig na binatang kanina pa, +ay mapupupuna na, na siya ang may patapat--ipinakikilala ko sa inyo +ang aking kaibigan--at iniharap ang binatang umawit. + +--Bagong lingkod mo po;--ang sambot ng ipinakilala.--Artemyo de la Pas. + +--Salamat po;--ang magiliw na tugon ng dalaga--gayon din po naman: +Dolores Balderrama. + +At sila'y nagkamayan, hanggang sa naipakilala ang lahat. Habang si +kapitana Martina, ay lalong nagniningas ang poot, si Beteng naman, +ang binatang may paharana, ay parang nagmamalaki sa kanyang mga +kaibigan. Bawa't makasiping ay binulungan ng «¿Bagay na ba sa +akin?» Lihim na tatawa at panakaw na tititig sa masayang mukha ni +Dolores. Hindi mapalagáy ang binata. Sa lahat ay masasayáng ngiti +ang iniuukol. Palipatlipat ng upo, at sa labing-dalawáng kasama ay +siyá ang lalong masigla at nagtatalík sa galák. + +Ang katahimikan ay ginambala na naman ng tugtugan. Parang sinasadyang +binibiro ang pagkaasim ng mukha ng kapitana Martina. Nguni't ¡himala +yata at biglang nagbago ang kunot na noo, noong madinig na muli ang +panambitan ni Artemyo! Masayang nakiumpok at sinipingan ang kanyang +ipinagmamalaking si Dolores. + + + "Ay Loleng! ay Loleng!... + ako'y mamamatay... + kung hahabagin mo + ang daing ng buhay..." + + +Iyan ang simula ng mapanglaw na pagdaing, balot ng taos na hinagpis, +at sa tinig na waring nalulunod sa hirap. + +Sa kalagitnaan, ay nagpahalata ng panibugho; panibugho na bunga ng +pagmamahal; at pagmamahal na likha ng pagirog. Anya'y: + + + Kung tumititig ka + sa ibang binata, + ang buhay ko Loleng + ay papanaw yata... + + +Lalong sinasal ng pagtibok ang puso ni Dolores. Waring kinikiliti +naman si kapitana Martina. Gayong nakangiti ng galak ang inaantok na +kapitang Andoy. Patuloy naman sa pagsasaloob ng tugtog yaong labing +tatlong panauhin. + +Napalaot ng napalaot yaong si Artemyo sa pagawit. Halos tinig na lamang +niya ang nagdidiwang sa loob ng bahay. Dahil sa sarap ng kundiman, +kung minsan ay itirik ang mata sa ilaw na nakabitin. Nguni't lalong +marami ang lihim na sulyap niya kay Dolores, ang nahuhuli ni matandang +Martina. + + + "Sa paglalaro mo + ng mga bulaklak + gunitain lamang + ang aba kong palad..." + + +Iyan ang patuloy ng binatang Artemyo sa kanyang +pamamaibabaw. Sinasamantala naman itó ni Beteng upang kaulayawin ang +kanyang pinopoon. + +--Aling Loleng,--ang wika--talaga pong sa kaibigan kong iyan ay +ipinagkakatiwala ko ang aking boong buhay... + +--Gayon pala!--ang sambot ni Dolores--na ipinagkatiwala na ninyo sa +kanya ang boong buhay ninyo, ay ¿bakit pa kayo sumama rito? + +--Ba!--ang tutol ni Beteng--ang ibig kong sabihin ay ipinagkakatiwala +kong siya na ang dumaing ng hirap ko... + +--Sapagka't ang damdamin ng puso ni Pedro ay maidadaing ng bibíg +ni Huwan.... + +--Napopoot ba kayo?--ang maamong tanong ni Beteng na nakahalatang +totoong mailap si Dolores. Napuna niyang ang mga tugon sa kanya ay +nasasaputan ng suliranin. + +--Bakit ako mapopoot?--ang pakli ng dalaga--sa ang katotohana'y ariin +mang biro; ay ipinagtatapat kong walang itatagal ang aking puso sa +kanyang panambitan.... + + + "Di ka na naawa + sa aking pagdaing: + buhay ng buhay ko + ligaya at aliw..." + + +Ang waring pakikihalobilo ng kundiman na ikinauntol ng pagsasalaysay +ni Dolores. Sandali silang nanahimik, bago nagsalita si Beteng ng: + +--Diyata't ¿wala kayong itatagal sa kanyang panambitan? + +--Kung wariin ko--ang salo ng dalaga. + +--Sa gayo'y namamanaag na ang aking tagumpay! + +--At bakit po? + +--Di ba sinabi ninyong nahahabag ang puso ninyo sa kanyang panambitan? + +--Opo. + +--Di nababagbag na ang loob ninyo sa akin? Sapagka't ang daing ni +Artemyo ay siyang daing ko.... + +--Gayon po ba? + +--Sinabi ko na pong ipinagkakatiwala ko sa kanya ang boong buhay ko. + +--Ah, ¡mali kayo! ¡Iba si Artemyo kay Beteng! Ang daing ni Artemyo +ay buhat sa kanyang puso kaya ang pagkahabag doon, ay pagkahabag sa +kanyang pagkatao..... + +--Nagbibiro yata kayo! + +--Hindi. At ¿bakit ko kayo bibiruin? + +--Aling Loleng! + +--Talagang totoo: ang puso ko'y nababagbag sa kanyang panambitan. ¡Kay +tamis niyang umawit! ¡Kay sarap dumaing! + +--Aling Loleng! ¡Nilulunod ninyo ako!... + +Hindi sumagot ang dalaga nguni't ang malas ang pinapagsalita. Tinitigan +si Beteng ng titig na makahulugan. Aywan kung bakit kinuha nito +ang kanyang sombrero at matuling umalis. Nilisan ang kanyang mga +kaibigan at kasama ng walang pasintabi. Sa katamisan ng kundiman ni +Artemyo ay di naman siya napuna. Liban kay Dolores, ang mahinhing si +Loleng, ay walang nakaino. Ito lamang ang nakatatarok na si Beteng +ay yumaong may taglay na poot at banta. May poot sapagka't nabigla +siya sa mga tugon ni Dolores. At may banta sapagka't nalalamangan +siya ni Artemyo. Anaki'y isáng bayang nilubugán ng araw ang dibdib +niyáng binabayó ng pagngingitngit. + + + "Titigil na naman + ako sa pagdaing, + na nagaantabay + ng awa mo Loleng..." + + +Diyan natapos ang malungkot nguni't magiliw na kundiman, na dinaluhan +ng nakakikiliting taginting ng bigwela at biyolin. + +Hindi napigilan ni kapitana Martina ang kanyang palakpak; datapwa't +si kapitang Andoy ay tinalo na tuloy ng antok. + +--Salamat po--ang magiliw na sabi ng ating dalaga, bago pinagukulan +si Artemyo ng--¡Kay buti pala ninyong umawit!... + +--Baka kung ano na po iyan?--ang may hiyang pakli ng binatang pinuri. + +Ang usisaang "¿nahan si Beteng?" ay siyang pumigil sa dalaga upang +tugunin ang binata. Isa't isa'y nagtanungan. Sa tanóng ay tanong din +ang itinutumbas. Kaya't nagdiwang ang alingasngas at lahat, liban +kay Dolores at sa nakakatulog na kapitang Andoy, ay pinagharian +ng pagtataka. + +--Marahil ay may sumundo--ang saad ni kapitana Martina. + +--Magpaalam na tayo--ang lihim namang anyaya ng may hawak ng bigwela +sa kanyang katabi. + +--Siya nga--ang ayon naman nito. + +--Tayo na--ang ulit ng isa. + +--Gabi na tayo--ang patuloy ng iba. + +At lahat ay pinatahimik na naman ng tagingting ng tuwa. Tumugtog sila +ng isang pangwakas. Si Artemyo noon ay napatabi. + +--Aalis na ba kayo?--ang tanong ni Dolores sa mapalad na binata. + +--Opo,--ang tugon nito--sapagka't totoong mababagabag kayo. + +--Wala po kayong aalalahanin. + +--Salamat po. + +--Kayo pala'y kinatawan ni mang Beteng--ang may ngiting salaysay +ng dalaga. + +--Siya pong totoo. + +--Di ang inawit ninyo'y parang inawit nila? + +--Gayon nga po. + +--At ang panambitan ninyo ay panambitan nila? + +--Yaon po ang dapat. + +--Nagkasala ako!--ang waring hinampo ng dakilang babai--boong akala +ko'y lahat ng inyong inawit ay bukal sa inyong puso, mula sa ubod ng +inyong buhay!... + +Kinabahan si Artemyo ng marinig ito. Ang puso niya'y di +mapalagay. Parang binabayo ang kanyang dibdib. Sampung paghinga ay +nangangapos. ¡Kaawaawang kalulwá sa gitna ng kagipitan! At ang boóng +pagkatao niya'y dagling sumuko sa gayóng dilág. Subali't ang kapalaran +ay itinapat siya sa landas na dapat tuntunin. At anya'y: + +--Ikaw po ang masusunod: maiyuukol mo saan man ibigin, at di malilihis +ang iyong akala... + +Hindi tumugon ang dalaga at sinamantala ni Artemyo: + +--Aling Loleng, kung batid mo lamang ang itinitibok ng aking loob, +ang iniluluha ng aking puso, ay sasabihin mong ako'y sinungaling.... + +--At hindi ba kayo sinungaling?--ang dugtong ng dalaga--¿Di ba +kasinungalingan ang maglahad ng wala sa loob? + +--Wala sa loób! + +--Kayo na rin po ang nagsabi. + +--Yaon po'y lambing lamang ng pusong nagtataglay ng hiya.... Isang +pakunwari ng pagibig na nagaalangan sa dakila mong ganda.... + +--Nagaalangan? + +--Opo, aling Loleng, at baka di maging dapat na maglingkod sa inyo.... + +Tinotoo na ni Artemyo ang pangungumpisal. Nilimot na niya ang kanyang +tungkulin. Hindi na naaalaalang siya ay kasangkapan ni Beteng. Wala +na sa gunitang siya ay bibig lamang ng kanyang kaibigan. + +Si Dolores, ang mabining dalaga na sumuko ang puso sa mga pagawit +ni Artemyo, ay parang nagayuma. Sa kanyang mukha at pangungusap ay +nalalarawan ang paggiliw na nabihag ng mapalad na binata. + +Sa pagtititigan ng dalawang kalulwa ay natapos ang pangwakas na +tugtog. Ang mga namamandaw ng puso ay nagtayuan na. Isa't isang +nagpaalam at nakipagkamay sa bunying binibini. Ang pagkakataon ay di +sinayang ni Artemyo. Siya ang nagpahuli sa lahat. Kinamayan niya ng +boong higpit si Dolores at dinamdam naman nito ang katuturan noon. Mga +titig nila ang nagpalitan ng damdamin ng kanilang dibdib. + +Doon natapos ang masayang gabi. + + + + + + + +II + +HINDI NAPAWASTONG PAGTITIYAP + + +Doon sa kabilang dulo ng daang Sagat, sa hanay din ng inuuwian ng +mapanghalinang si Dolores, ay dalawang lalaki yaong ipinagtatanong +si Beteng. Sa isáng magandang tahanan, doón silá pumanhík, sapagka't +yaón ang itinuro sa kanilá ng napagsanggunian. + +--Mga kaibigan--ang buhat sa itaas ay kanilang narinig--tulóy kayo, +tulóy kayo.... + +--Magandang araw po mang Beteng--ang bati namán ng dalawá. + +Silá'y pumanhík at ginanáp ang karaniwang kumustahan. Matapos ilapat +ni Beteng ang pinto ay nagsaád ng ganito: + +--Malakíng suliranin ang gumuguló sa isip ko, kaya inabala ko kayong +ipinatawag. Sa inyong pangangailangan ay nalalaan namán ako. + +--Salamat po--ang salo ni Pastor na isá sa mga panauhin. + +--Sapagka't kayo'y inaári kong mga kapatid ay sa inyo ko dapat +ipagtapat. + +--Ipatuloy mo po--ang pakli ni Simón, na kasama ni Pastor. + +--Malaon nang ang puso ko'y pinapagdudusa ni Dolores--ang patuloy +ni Beteng--nguni't ¡kay pait ng nasasapit ko!... ¡Pawang tiwali! At +kagabi lamang ay hinarana namin, nguni't gaya rin ng dati, ay pawang +paglibak sa akin ang aking napala.... + +--Bakit po?--ang tanong ni Pastor. + +--Di ba kayo pinaakyat?--ang usisa ni Simón. + +--Pinatuloy kami, dili ang hindi--ang patlang ni Beteng--nguni't ang +pagkapatuloy sa amin, ay siyang lalong nagbansag ng kaapihan ko. Opo, +kaapihan, pagka't sukat bang itanóng sa akin ni Dolores na kung bakit +pa raw ako sumama roon.... + +--Yaon po'y ugali na ng dalaga: lahat ng nais nilang sabihin ay +dinadaan sa hinampo--ang putol ni Simón. + +--Hindi kaibigan,--ang tutol ni Beteng--pagka't malaon ng kumukulili +sa tainga ko, na si Artemyong aking pinakikiusapang siyang umawit +sa aming pagtapat doon, ay siya daw ang napupusuan ng babaing yaon, +gayong ito ay wala namang pagibig sa kanya. + +--Ganyan din po ang balita ko--ang pagayon ni Pastor--nguni't, kailan +ma'y di ako naniwala. + +--Sino po bang Artemyo yaon?--ang pagsisiyasat ni Simón. + +--Ang kalihim sa Samahang "Kumilos Tayo"--ang tugon ni Pastor--yaon +bang nagtalumpati sa inyong nayon noong ipagdiwang si Rizal. May +magandang pangangatawan at.... + +--Yaon pala--ang salo ni Simón--Kakilala ko po yaon at ako man ay +kasapi rin sa "Kumilos Tayo." ¿Diyata't siya ang naiibigan? ¿Si +Artemyo? ¿Ang artista? Aywan ko rin...--at tinapos sa iling at ngiti +ang kanyang pagkamangha; iling na nagpapahayag ng pagpapawalang saysay +kay Artemyo, at ngiti na nagtatanghal ng paglibak sa pagkatao noon. + +Ang dalawang kaharap ay napatigil. Nabasa nila sa mukha ni Simón +na siya ay may natatarok na lilim ni Artemyo. At di pinalagpas ni +Beteng. Sinamantalá ang pagkakataón. + +--Bakit po?--ang simula--¿may nalalaman ba kayong alimuom ni Artemyo? + +--Sus!--ang buntong hininga ni Simón--¡Si Artemyo! ¿At bakit hindi ko +malalaman ang kanyang lihim? Siya ay isang konduktor sa trambiya noong +araw na dahil sa nahuli sa pagumit ay pinalayas tuloy ng empresa. Isang +taong nagpagalagala sa pagbibilang ng bato, na kung kanikanino +nangungutang ng makakain. Napasok na artista, at ang manakanakang +pagtayo sa entablado ay siyang ipinagmamalaki ngayon. Gayong ang +tinig ay tinig kanduli at kung umawit ay parang bumabasa ng Pasyon.... + +--Ha! ¡ha! ¡ha!--ang tawa ni Beteng. + +--Aywan ko--ang tanggi ni Pastor--sa akin ay mabuting kaibigan +si Artemyo. + +--Mabuti kung mayroon--ang salo ni Simón--nguni't kung wala ay masama. + +--Marahil nga--ang katig ni Beteng--sapagka't kung makailan ko +nang makasama, ni minsan man ay di pa gumasta. Maging sa pagsakay +namin sa trambiya, maging sa pagkain namin ng sorbetes, ay ¿maanong +pabalat-bunga man lamang na magkunwaring dumukot sa bulsa? + +--Ano ang hahanapin ninyo sa taong nagsasamantala?--ang masayang +ikinabit ni Simón. + +--Hindi gayon--ang tutol ni Pastor at hinarap si Beteng--Kayo ang +nagaanyaya sa kanya ay talagang kayo ang dapat gumasta. Salamat at +di kayo sinisingil sa kanyang abala at pagod.... + +--Mang Pastor!--ang tugon ni Simón--¿pinagtatanggol ba ninyo si +Artemyo? + +--Hindi po. Ipinaaalaala ko lamang ang ipinaguutos ng dakilang asal. + +--At ¿kami pa pala ang lumalabas sa magandang ugali?--ang usisa +ni Beteng. + +--Hindi ko po sinasabi ang gayon--ang salag ni Pastor--nguni't +ipinagugunita kong sa bibig ng mga lalaki ay alangang maglaro ang +buhay ng kapuwa. Mga babai lamang ang naguututang dila. Mga musmos +lamang ang nagngungusuan. + +--How! ¡pshe!--ang putol ni Simón--Talaga pong si Artemyo ay lahi ng +taksil: siya'y kapangpangan. + +--Tama. Iyan ang totoo--ang dugtong ni Beteng--pinapaghahari ang +kanyang pagkakapangpangan. + +--Mga kaibigan--ang mainit ng saad ni Pastor--¡Huwag ninyong hamakin +ang kanyang lahi! Kapangpangan man at Tagalog ay iisa ng uri, at ang +sumira ng pagiisang iyan, ay yaon ang taksil na dapat pangilagan. Ang +taong pumapatay ng pagdadamayan ng Pilipino ay yaon ang kalaban +ng bayan. Ang kalulwang nagtatanim ng pagiiringan ay siyang uod na +sumisira ng laya at pagasa ng lahat.... + +--Matutulis pong salita iyan!--ang pakli ni Simón. + +--Nakasusugat ka po!--ang dugtong ni Beteng. + +--Hindi, mga kaibigan--ang ganti ni Pastor--kailan ma'y di ko magagawa +ang sumugat sa kapatid. Nguni't, oo; makikipaglaban ako sa kanino mang +nagbibinhi ng pagiiringan. Ang buhay ko'y aking itinataya lubha pa't +ang pagiiringan ay ipupunla dahil lamang sa inggit sa isang lalaking +kinakandong ng palad.... + +--Na sa ibang bahay ka po!--ang paalaala ni Beteng--huwag ninyong +lubusin ang pagalipusta sa mga kaharap. + +--Sa bahay na pinaghaharian ng dilim ay doon ko dinadala ang ilaw!--ang +matapang na sagot ni Pastor. + +--Pawang kaululan ang sinabi ninyo!--ang tumbas ni Simón. + +--Utang na loob ay manaog na kayo--ang taboy naman ni Beteng. + +Tumayo si Pastor ng boong pagngingitngit. Ang malas niya'y +naglalagablab. Maliksing kinuha ang kanyang sombrero at anya'y: + +--Dapat ninyo akong itáboy; dapat ninyo akong turang ulol; +sapagka't ang gurong nagtuturo ay talagang kalaban ng mga musmos +na tinuturuan.... Nakilala ko na kayó ay dapat namán ninyó akóng +makilala.... Paalam sa inyo nguni't alalahaning ako'y natatalaga sa +ano mang mangyayari.... + +Titig lamang ang isinagot ng dalawa. Kaya't pumanaw na nagpuputok ang +dibdib ni Pastor. Samantalang nawawala ang kanyang yabag ay patuloy +sa pagwalang imik ang dalawang nilisan. + +--Mang Simón--ang mana'y saad ni Beteng--yumaong galit na galit ang +abogado ni Artemyo. + +--Walang kailangan--ang tugon nito--¡Ibabagsak natin sila!... + +--Iyan ang kanina pa'y inaantay kong pumilas sa inyong labi.... + +Kumuha ng kahon ng tabako si Beteng at inalok ang kaharap. Kapwa +sila nagsuso at minsang pinagbuti ang upo. Bago naganasang marahil ay +yumari ng paghihiganti. Panahon lamang ang makapagbubungkal ng lihim. + +Isang mahigpit na kamayan ang tumapos ng salitaan. At taglay ang +galak ng pagasa na naghiwalay ang dalawang nagtiyap. + + + + + + + +III + +MGA HALIK NG PAGIROG + + +Nagbabanguhang sampagita, bulaklak na nagpuputían, yaong tinutuhog +ni Dolores, sa halamanan nila. Nagiisa siyang noon ay nagaaliw at +pinalilipas ang mapanglaw na hapon. Sa isang upuang kawayan ay doon +pinagbubuti ang pagyari ng isang kuwintas. Ang samyo na idinudulot +ng mga ilang-ilang, ay sumusuob sa mabining dalaga. Marahan namang +humahalik sa kanyang mga pisngi ang simoy ng hanging nagmumula sa +bukid. Samantalang sa kanyang ulunan, ay namamaypay ang masingsing +dahon ng kamuning. + +Ang dilag ni Loleng noon ay lalong tumingkad kay sa dati. Bagay +na bagay ang bagong gayak sa mayamang ganda ng kanyang pagka +binibini. Sa biglang malas lamang ay mahuhulaan nang siya'y bago +pa lamang dumudungaw sa pinto ng pagibig. At upang patotohanang +naninibago ang kanyang puso sa pagtibok ng buhay sa pagkadalaga, +ay masayang umaawit at sinasamyo ang mapapalad na sampagita. + +--Kay bango ninyo!--ang di napigilang wika at nilangap ang samyo ng +kanyang tinutuhog--¡Kay puti ninyo! ¡Kay dunong ng Diyos!... + +Siya rin ang sumagot: + +--Talagang kayo ay pinagyaman ng kalikasan! ¡Walang haring +makapagsusuot ng inyong gayak! ¡Sutla na di nilikha ng kamay! At ¡puti, +puting parang busilak!... + +Dinugtungan pa rin: + +--Hindi lamang iyan ang inyong yaman. Sa samyo, bango, halimuyak, +ay kahanay kayo ng mga pangunahing bulaklak na ipinagmamalaki ng +katalagahan.... + +Tinapos sa: + +--Sa ulo, batok, at dibdib ng mga dalaga sa Silanganan, ay ginagamit +kayong palamuti, katimbang ng rubi, perlas, at brilyante ng mga dalaga +sa Kalunuran. Yaon ay binibili ng daan, libo, o yutang salapi, nguni't +kayo ay ipinagpapalit sa isa o dalawang sentimos lamang. ¡Kay taas +ng agwat ng halaga! Gayon ma'y lalong matayog ang inyong uri. Sila'y +nagagamit lamang ng nakaririwasa, samantalang kayo ay pinakikinabangan +ng lalong dukha at ng lalong mayaman. Ikinahihiya silang igayak ng +mga dahop sa salapi, datapwa't kayo ay ikinararangal ng lahat.... + +At malaong nilangap na naman ang mapapalad na sampagita. Mana'y +pinanood at kinausap: + +--Gaano man ang inyong yaman, gaano man ang inyong dilag, ay di ko +rin ipagpapalit sa inyo ang aking pinakamamahal sa buhay, ang giliw +ng puso ko, si Artemyo ng aking pagibig.... + +Isang halik ang biglang lumagot sa kanyang pangungusap; halik +na tumunog sa kanyang pisngi; halik na kaunaunahang idinulot ng +pagibig. Nagulat at napalingon ang ating dalaga. Subali't napatungó +na lamang at pumatak ang luha, noong mapagtanto niyang si Artemyo +pala ang nagbigay ng ligalig. + +--Loleng!--ang bati nito--napoot ka yata.... + +--Di ko akalain...!--ang tugon naman ng binibini. + +--Huwag; huwag kang magalit. Tinugon ko lamang ang utos ng aking +pagsintá. Kanina pa ako rito na nagsusubók sa iyo. Napanood ko ang +lahat ng iyong ikinilos. Ang puso ko'y nilango ng tamis. At nakagawa +tuloy ng kalapastanganan.... + +Patuloy sa pagkatungo ang binibini. Nahihiya o napopoot mandin sa +nangyari. Talagang gayon ang dalagang Tagalog. Malambingin nguni't +matampuhin. Magiliw datapwa't maselan. Sa di pagimik ay sarisaring +katuturan ang maipalalagay. + +--Loleng--ang muling saad ni Artemyo--kahapon lamang binihis mo +ang aking puso, ngayon ay muli na namang pagdudusahin. ¡Kay sawing +palad ko!... + +Hinawakan ang kamay ni Loleng na may hawak na sampagita. Naupo sa +piling nito at sinapupo sa likod ang dalaga ng kaliwang kamay. Bago +nagpatuloy: + +--Napakawalang awa ka! Parang tinakaw mo lamang ako sa galak. Mabuti +pang di hamak ang di ako pinangakuan ng pagibig, kay sa naturang +giliw ay nilulunod sa kapighatian.... + +--Ikaw ang may sala--ang marahang patlang ni Dolores--¿hindi ba +kahapo'y isinumpa mong ako'y iyong igagalang? + +--Tunay. At siya ko namang ginaganap... + +--Paggalang pala ang iyong inasal! + +--Hindi ba? + +--Paglapastangan! + +--Na naman! + +--At di ba pagapi sa dangal? + +--Loleng, huwag mong isaloob ang gayon. Ang paggalang ay kapatid ng +pagibig. May halik ang paggalang at may halik ang pagibig. Ang halik +ng paggalang ay idinadampi sa damit, sa paa, ó sa kamay. Ang halik +ng pagibig ay sa noó, sa pisngi, ó sa kapuwa labi inilalagak. Pumili +ka ngayon; ¿alin ang ibig ng Loleng ko? + +--Ang halik ng paggalang--ang masaya nang tumbas ng binibini. + +--Loleng, ¡lalong napopoot ka! Hagkan ko ang iyong damit ay tuturan +mong kita'y nilalaro. Hagkan ko ang iyong paa, ay sasabihin mong kita'y +inuuyam. Hagkan ko ang iyong kamay ay isasaad mong kita'y binibiro.... + +Isang ngiti at isang titig ang iginanti ng pusong nagtampo. Nagpalaot +naman si Artemyo. + +--Sapilitan, irog ko, na ang pipiliin mo ay ang halik ng pagibig. Siya +kong ginanap, tanda ng aking pagmamahal. Doon ay kalakip na rin ang +paggalang na aking ipinangako kahapon. + +--Lahat ng matwid ay na sa iyo! + +--Sapagka't ako ay taong may katwiran.... + +--Sinungaling!... + +Isang malakas na tawag na "Loleng" ang gumambala sa paguulayaw ng +dalawa. Yaon ang makapangyarihang tinig ni kapitana Martina. Lumingon +ang tinawagan, bago nagpaalam sa kasi: + +--Artemyo, tinatawag na ako ng Tiyang. + +--Lilisanin mo ba ako?--ang lambing naman ng binata. + +--Pumanhik tayong dalawa. + +--Baka di maganda ang gayon? + +--Mauuna ako't sumunod ka mamiya. + +--Mabuti pa. + +--Aantabayanan kita? + +--Asahan mo. + +At tumalikod ang binibini matapos ihandog sa giliw ang isang kumpol +ng sampagita. Handog na waring walang katuturan, nguni't minahal ni +Artemyo. Sapagka't yaon ay nilagakan muna ng isang halik ng kanyang +pinopoon. At sinasamyo ng binata samantalang pinanonood niya ang +pagyaon ni Dolores. + +Noon nama'y naglilikom na ng liwanag ang ilaw ng sangdaigdig. Ang +dilim ay marahang nagbubuka ng pakpak. Nagsisimula na ng pagawit ang +panglaw at lungkot ng gabi. Mana'y marahang namumukadkad sa kaitaasan +ang mga sampagita sa bukid ng Diyos, iyang mga bituing nagpapagunita +ng luwalhati sa kabilang buhay. + +Malaong sandali pa ang lumipas, bago narinig ang: + +--Magandang gabi po--na patao ni Artemyo upang tumupad sa pangako. + +--Magandang gabi po naman--ang pakunwaring salubong ni Dolores--Tuloy +kayo.... + +Pumanhik ang panauhin at nagtuloy sa salas. Doon ay inabot niya si +kapitana Martina. Nagbigay ng galang at payapang naupo. Si Dolores +naman ay naupo na rin. Ito ang nagbukas ng salitaan: + +--Saan po kayo nanggaling? + +--Doon po sa bahay. + +--Ngayon lamang kayo naligaw dito ah--ang pangatlo ni kapitana Martina. + +--Bakit naman po?--ang tutol ng binata.--Noong lamang isang linggo +ay narito kami. + +--Siya nga pala--ang patalo na ng kapitana--at noon nga pala kayo +nagharana. Hanggang ngayon ay di ko pa nalilimot yaong inawit ni mang +Huwan na ayaw ko sa intsik.... + +At tinapos sa halakhak. Tawa rin ang itinugon ng dalawang kapulong. + +--Bakit po ba hindi ninyo kasama noon si mang Beteng?--ang usisa +ng binibini. + +--Ayaw na pong makibarkada sa amin--ang tugon ni Artemyo. + +--Kung ilan nang haranahan iyan na di nakakasama yaon eh....--ang +katig ng kapitana. + +--Napupuna ko nga rin--ang dugtong ng dalaga. + +--At ¿bakit di mo mapupuna?--ang biro ng ali--sa iyon lamang ang +itinatangi mo.... + +--Ang Tiyang naman!--ang tanggi ni Loleng. + +--Ehem!--ang salo ni Artemyo. + +--Siya; kung ayaw ka ng itinatangi ay minamahal...--ang dugtong +ng kapitana. + +--Nagkatabas tuloy!--ang tawa ng binata natin. + +Isang makahulugang irap ang inihagis ng dalaga kay Artemyo. Ginanti +naman nito ng isang titig. Ano pa't mga mata ang pinapagusap. At sa +mukha nila ay nababasa ang pagkainip sa matandang kaharap. Salamat at +ito ay mapagbigay at nataunang nanalo noon sa pangginge; kaya malamig +ang ulo at binigyang panahon ang dalawang puso upang magulayaw. Lumabas +ang kapitana at nilisan ang mga kausap. Lumaya ang dalawang pusong +nagtatalik sa galak. + +--Waring hindi batid ng ali mo ang ating lihim?--ang saad ni Artemyo. + +--Hindi, at magingat ka--ang tugon ni Dolores. + +--Naparito na ba si Beteng? + +--Oo. Di ko pa pala naibabalita sa iyo na sila ay nagharana rito. + +--Kailan? + +--Noong Huwebes ng gabi. + +--Sino sino sila? + +--Wala akong nakilala; nguni't sa inyong magkakasama noong araw, +ay si Beteng lamang ang kasama. + +--Nagsarili na! + +--Hindi lamang iyon. Sumulat pa sa Tatay na ikaw daw ay alipin +lamang. Nagsisilbing-kanin ka raw sa kanya, kaya di ka dapat tanggapin +dito. + +Napipi at namutla sa galit ang nabiglang binata. Ang binigkas na yaon +ng kanyang kasi ay naging matunog na kulog sa kanyang pangdinig. Siya +ay nangliit. Aywan kung inapi ng kahihiyan ó sinupil ng poot. Datapwa't +sa pagyaon ng ilang sandali ang mukha niya'y naging maamo. Tulad sa +nagkasalang humihingi ng tawad. + +--Salamat na lamang--ang patuloy ng dalaga--at ako ang +nakatanggap. Kaya, ni ang Tatay, ni ang Tiyang, ni sino pa man dito, +ay walang nakabatid. + +--Nahan ang liham?--ang mana'y usisa ni Artemyo. + +--Sinunog ko. + +--Bakit mo sinunog? + +--Sapagka't gawa ng taksil. + +--Di mo na ipinabasa sa akin? + +--Baka pa matunghayan ng iba. + +--Bakit mo nalamang sulat niya? + +--Dahil sa may lagda. + +--Nilagdaan! + +--Maniwala ka. + +--Ng pangalan niya! + +--Tunay. + +--Kay tapang! + +--Duwag, ang sabihin mo. + +--Sayang at di ko nakita! + +--Huwag na. + +--Nananalig ka naman? + +--Hindi! ¡Hinding hindi! + +--Bakit? + +--Sapagka't walang katotohanan. + +--Totoo yaon! + +--Ano sa akin? + +--Tapat ang sumbong niya. + +--Walang ano man. + +--Paniwalaan mo! + +--Ipalagay mong ako'y naniniwala. Maging totoo nang busabos ka niya, +¿ano ngayon? ¿Ang pagibig ba'y nahahadlangan ng mga bagay na iyan? + +--Dolores! + +--Kung ang pagirog mo ay naigigiba ng inggit at imbot, ang pagibig +ko ay hindi. Matibay. Kasingtibay ng moog. Kamatayan lamang ang +makapagwawalat. + +--Bulaan! + +--Masusubok mo rin. + +--Nasubok ko na. Sa isang halik lamang ay pinatulo mo na ang iyong +luha.... + +--Sapagka't nalunos ako sa aking pagkadalaga. + +--Di lalong malulunos ka sa palad mong tatamuhin ng isang busabos? + +--Kabila man ng busabos, kung iniirog ko at minamahal, sa akin ay +daig pa ang haring na sa trono ng luwalhati. + +--Diyata? + +--Tunay. + +--Ang katunayan? + +--Kinamit mo na. + +--Yaon bang tinamo sa lakas-loob; halik na itinangis ng hinagkan, +ay siya mong patunay? + +--Sapat na yaon. + +--Ang pagibig ay walang kabusugan! + +--Hindi pa panahon. + +--Lahat ng sandali ay dapat pakinabangan. + +--Sa iba nang pagkakataon. + +--Naipagpapaliban pala ang sanla ng pagibig.... + +At tinapos sa pagpisil ng kamay ng binibini. Tumayo ang binata at +naglingon-likod. Ang dalaga ay kinabahan at umiwas na: + +--Hayun ang Tiyang! + +--Mamatay na tayo! + +At boong tapang na inilagda ni Artemyo ang pangalawang halik ng pagirog +sa mapulang pisngi ni Dolores. Ito ay nagitla, subali't nang matiyak +na di sila napuna ng kapitana Martina ay magiliw na nagsabing: + +--Pangahas ka rin! + +--Kay palad ko ngayon!--ang galak ni Artemyo--Sa gabing ito nahawi +ang dilim ng aking pagasa. Nababanaag ko na ang liwayway ng aking +kapalaran. Datapwa't, Loleng, Loleng, huwag ka sanang padadala sa +dila ng mga umaagaw ng aking dangal.... + +--Hindi, at isinasamo ko sa iyong huwag mo nang mababanggit kay mang +Beteng ang liham niya sa Tatay. + +--Asahan mo. + +--Ilagan mo sana ang sigalot. + +--Huwag kang magalaala. + +--Talagang gayon ang kalulwang sawi sa pagibig. Parang ulol na di +nalalaman ang ginagawa. Awa ang dapat ihandog sa kanila. + +--Siyang totoo. + +--Naku, sukat bang siraan ka! At sira pa namang kahahalataan ng +pagkaimbi.... + +--Kay pangit! + +--Sawing palad na lalaki! + +Ang orasang nakasabit sa dakong itaas ng pinto, ay nakisagot +din. Walong pantig ng kanyang batingting ang pinaltik. Ang oras ng +pagaalaala sa mga kalulwa sa purgatoryo'y siyang ibinansag. + +--Ika walo na pala!--ang saad ni Artemyo na dinukot at minasdan ang +kanyang orasan. + +--Ay ¿ano kung ika walo na?--ang putol ng dalaga--¿naiinip ka ba? + +--Naiinip? ¿Mainip ako sa piling mo? Loleng, kung makukuha ko lamang +ang aking puso, at ihaharap ko sa iyo, ay makikita mong sabik na +sabik sa iyong dilag at pagmamahal. Nais ay matali na sa puso mo +kung mangyayari... + +--Bulaan! + +--Hindi. Talagang wala akong pinapangarap, kung di ang pagbabagong +buhay natin. Maging malaya tayo sa pagduduyan sa tuwa... Nguni't +samantalang di pa namimitak ang ating araw, ay sumunod na muna tayo +sa palakad ng panahon. + +Hindi tumugon ang dalaga sapagka't noon ay sa susungaw sa pinto si +kapitana Martina. + +--Maalaala ko pala--ang wika nito--huwag kayong mawawala sa isang +linggo, at ating ipagdidiwang ang kaarawan ni Loleng. + +--Sa isang Linggo po?--ang tanong ni Artemyo. + +--Sa ika 21 ng kasalukuyan--ang salo naman ng dalaga. + +--Bulaklak nga pala kayo ng Mayo--ang pagpuri ng binata. + +--Kaya po kasingganda ng kamya--ang dugtong ng kapitana. + +--Ang Tiyang naman!--ang hinampo ni Loleng--para pa tayong taga +Palanyag. + +--Kung ayaw ka ng kamya ay asusena. Kung ayaw ka ng asusena ay +sampagita. Kung ayaw ka ng sampagita ay rosal. Alin man ang iyong +piliin ay bagay sa iyong kagandahan--ang pagtatanggol ng kapitana na +lubhang nawiwiling biruin ang kanyang alaga. + +--Siya nga--ang ayon ni Artemyo. + +--Siya na kayo--ang salag ni Dolores. + +Napatigil ang salitaan sapagka't noon ay may narinig silang +yabag. Ilang sandali lamang na nagdiwang ang pananahimik at napagsino +na ng tatlo. Tinig ni kapitang Andoy ang kanilang napansin. Hindi +nagkabula ang palagay. Sumipot sa pinto ang matanda. Sinalubong naman +ni Artemyo ng bati ng paggalang. + +--Nakasabay ko po ngayon si mang Beteng--ang balita nito. + +--Saan?--ang usisa ng kapitana. + +--Sa trambiya--ang patuloy ng matandang Andoy--at sinabi sa aking +magdadala siya rito ng komparsa sa araw mo Loleng. + +--Ehem! ¡ehem! ¡ehem!--ang tikim ng kapitana. + +Nagtitigan naman ang dalawang pusong naglilihim. Bago nagngitian ng +ngiti ng kasyahang loob. + +--Hindi raw ikahihiya sa mga panauhin ang kanyang dadalhin dito--ang +dugtong pa ng nagbalita--marahil daw ay mga labing anim katao. + +--Kay dami! ¡Talagang pangatawanan!--ang tuwa ng kapitana--Kayo mang +Artemyo, magdala rin kayo. + +--Na naman ang Tiyang...--ang hadlang ng dalaga. + +--Ito nga naman--ang habol ng kapitang Andoy na hinarap ang +mapagsisteng asawa. + +--Susubukin ko po--ang tugon naman ng binata. + +--Baka matuloy!--ang pakli ng kapitana--Biro ko lamang iyon. + +--Titingnan ko rin po--ang saad ni Artemyo na napapasubo. + +--Huwag na--ang pigil naman ni kapitang Andoy--sapagka't sapat na ang +dadalhin ni mang Beteng. Bakit nababalitaan kong waring may bigat ng +loob sa inyo, ay baka kung ano pa ang ipakahulugan noon. + +--Siya nga--ang ayon ni Dolores. + +Hindi nakasagot si Artemyo. Namutla at napipi. Sumikdo ang +loob. Marahang sumusubo ang pagngingitngit. Titig na lamang ang +ipinukol kay Dolores. Ito naman na nakaramdam ng kagipitan noon ay +sinamantala ang pagtatanggol sa giliw. Anya'y: + +--Dumalo na lamang kayo at isama ninyo ang inyong mga kaibigan. + +--Maaasahan po--ang pakli ng binata. + +--Baka di kayo sumipot?--ang habol ng kapitana Martina. + +--Baka pangakong napako iyan--ang salo naman ng kapitang Andoy--bakit +na sa Pako pa naman tayo. + +--Hindi po--ang sagot ni Artemyo--maaasahan po ninyo. + +At tumayong kinuha ang kanyang sombrero bago nagpaalam. + +--Aalis na ba kayo?--ang saad ng kapitana. + +--Maaga pa naman--ang dugtong ng kapitang Andoy. + +--Mayroon pa po kaming paroroonan--ang pakunwari ng binata. + +Kinamayan ang tatlong lilisanin. Nanaog na nalulunod ang +puso. Sumisinghap sa tuwa at sumisinghap sa galit. Naluluoy sa tuwa +dahil sa pagtatamo ng halik ng pagirog. Nilalagnat sa galit dahil +sa paninira ni Beteng. Gayon ma'y tahimik na yumaon ang kalulwang +itinaguyod ng mapalad na pagkakataon. + + + + + + + +IV + +MASIGASIG NA KILOS NI PASTOR + + +--Mga kaibigan--ang bati ni Pastor sa mga kasamang kanyang inabot +sa isang kamalig sa daang Penyapransiya, doon din sa Pako, na +nagsasanay ng pagtugtog--¿kayo yata ang dadalhin ni Beteng sa bahay +nila kapitang Andoy? + +--Oo--ang tugon ng may bigwela. + +--Utang na loob ay huwag kayong sumama--ang patuloy ni Pastor--at +ibitin ninyo sa kahihiyan ang taong yaon... + +--Bakit?--ang sambot ng may gitarra. + +--Mangyari ay kung ano anong paninira ang ginagawa kay Artemyo--ang +tugon ng Pastor--at kayo ay dadalhin doon upang patunayang lalong +malakas siya kay Artemyo. ¿Yaon ba ay gawa ng kasama? + +--Ang lagay pala ay nagkagalit sila ni Artemyo?--ang usisa ng +nakasalamin. + +--Oo--ang paliwanag ni Pastor--at ang pinagmulan ay dahil kay Dolores. + +--Ano ang nangyari?--ang pagkamangha ng lahat. + +Lumingon muna si Pastor, bago sumagot: + +--Lubhang katawatawa. + +--Bakit?--ang pagkasabik ng ilan. + +--Makinig kayo--ang patlang ni Pastor. + +--Si Artemyo ay palaging niyayaya ni Beteng upang haranahin si Dolores, +dahil sa ito ay artista at may mayamang tinig. Siya, si Artemyo, +ang palaging pinaaawit sa kanilang pagtapat. Nguni't si Dolores ay +di rin mahabag sa kaawaawang Beteng. Ang pista pa nito ay si Artemyo +ang napusuan. Ano pa't ang tulay ay siyang naibigan. + +--Aha!--ang pagtataka ng may dalang biyolin. + +--Siya nga--ang ayon naman ng may hawak na gitarra--at noong magharana +kami noon araw doon, ay umalis iyang si Beteng nang hindi man lamang +nagpaalam sa amin. + +--Nakahalata marahil!--ang hatol ng may katandaan na. + +--Nakita na ninyo?--ang habol naman ni Pastor--Pati kayo ay hinahamak +gayong nangungutang lamang ng loob. + +--Ano ang magagawa natin sa taong walang turing?--ang tanong ng may +hawak ng bigwela na malaon na yatang may poot kay Beteng. + +--Gayon pala! ¿Bakit pa kayo sasama sa kanya?--ang ulos ni +Pastor.--Ipagmamalaki lamang kayo at pagkatapos ay diyan na kayo... + +--Bakit naman pumatol si Artemyo?--ang usisa ng isa. + +--Tao namang ito!--ang agaw ng kasamahan din--¿May manok bang tumanggi +sa palay? + +--At ¿ano naman ang dapat itawag sa lalaking iniibig ng babai ay +nagwawalang bahala?--ang tanong ni Pastor. + +--Binubai!--ang maagap na salo ng may katandaan. + +Isang matunog na halakhakan ang pumutok. + +--Samakatwid--ang hadlang ni Pastor--ay tumupad lamang si Artemyo sa +kanyang tungkulin upang huwag matawag na binabai... + +--Katwiran--ang hatol ng marami. + +--Bakit nagagalit si Beteng at sinisiraang mabuti si Artemyo?--ang +tanong pa rin ni Pastor. + +--Paano'y naagawan ng tuson!--ang salo na naman ng mapagsiste. + +Panibagong halakhakan na naman. + +--Isang sagot ngayon mga kasama--ang saad ni Pastor--¿sino ngayon +ang dapat samahan, si Artemyo ó si Beteng? + +--Bakit ba? ¿Magdadala rin ba ng komparsa si Artemyo?--ang usisa +ng isa. + +--Binabalak ko sana--ang tugon ni Pastor--pagka't totoo akong nasakitan +noong sabihing si Artemyo raw ay taksil dahil sa kapangpangan... + +--Sinabi ni Beteng ang gayon?--ang pandidilat ng isang kapangpangang +bandurista. + +--Maniwala ka kasama--ang patigas ng tinanong--at kaya sinabi ang +gayon ay dahil sa nabigo sila sa akin. Ako'y inamuki nila ni Simon, +upang agawan ng dangal si Artemyo, datapwa't nagkagalit lamang kami +sapagka't di ako pumayag... + +--Sa inyo ako sasama--ang pagkukusa na ng banduristang kapangpangan. + +--Ako man--ang habol ng may hawak na biyolin. + +--Ibilang na rin ninyo ako--ang sunod ng may plauta. + +--Welga na tayong lahat--ang sabi naman ng isa. + +--Welga! ¡Welga! ¡Welga!--ang sagutan na ng lahat. + +--Mabuhay si Artemyo!--ang sabi naman ni Pastor. + +--Mabuhay! ¡Mabuhay! ¡Mabuhay! + +At tumugtog sila ng isang masarap na tugtugin, tanda ng tagumpay ni +Artemyo. Galak na galak naman si Pastor. Samantala'y nagpapaindayog +na mabuti ang tinig ng biyolin. + +Natapos ang pamamayani ng bigwela at ang bibig na naman ni Pastor +ang narinig. + +--Upang malubos ang ating galak ay huwag ninyong sasabihin kay Beteng +na hindi na kayo sasama sa kanya. + +--Siya nga--ang ayon ng iba. + +--Ang sarap niyan ay magaantay siya ng wala!--ang salo ng isa. + +--Gayon ang dapat sa taong umaagaw ng dangal--ang katig ni +Pastor--Ibitin sa kahihiyan. Isubo sa kagipitan. + +--May balita pa akong nilalakad daw ni Simon na si Artemyo ay alisan +ng tungkulin sa "Kumilos Tayo"--ang saad ng isang kanina pa'y ibig +maglahad. + +--Iyan ay pakana ni Beteng--ang sagot ni Pastor--¿Ano raw ang dahilan? + +--Sarisari--ang salo ng tinanong--Hindi raw dapat bigyan ng tungkulin +dito ang isang dapo lamang. Kabagongbago raw dito, ay nais nang +lagpasan ang mga kanayon. Isang bata raw lamang ay ibig nang +maghari. Kung minsan ay sinasabing mapagsamantala raw. Ang salapi +raw ng Samahan ay kinukupit. Marami at napakarami pa ang dungis na +ipinupukol sa mukha ni Artemyo. + +--Narinig na ninyo!--ang saad ni Pastor--Linawin natin: hindi raw +dapat bigyan ng tungkulin ang isang dapo. Katwiran, nguni't ¿bakit +nila natitiis ang mga dapong naghahari sa ating bayan? At ¿dapo ba si +Artemyo? ¿Ano kung kapangpangan siya? ¿Hindi ba pilipino rin? ¿Maaari +bang magsarili ang Tagalog nang ang Kapangpangan ay hindi? ¡Napakarupok +na pagkukuro! Ang masasabi ko'y nakikilala nila ang dapong kapatid +din nila, datapwa't hindi nila nakikilala ang tunay na dapong dito +ay tumawid. Kung nakikilala man ay kinatatakutan. Ngayon at kalahi +ay halos sakmalin. Nguni't kung maputi, kahi't na lumapastangan, ay +nginingitian din. Sinusurot, dinuduro at pinamumukhaan ang kabalat, +subali't ang dayo ay saka lamang mamura kung nakatalikod.... + +--Siyang totoo--ang tango ng ilan. + +--Kabagongbago'y nais nang lagpasan ang mga kanayon?--ang dugtong +ni Pastor. + +--Pasalamat tayo at hindi pa man ay nagpapakita na ng lakas at +magagawa. Kung kaya siya lalagpas sa taga rito, ay sapagka't dapat +siyang lumagpas. Ano man ang gawin ni Artemyo, kung talagang magaling +sila, ay sila rin ang mamaibabaw. Ang iba pang dahilan ay pawa nang +paninira na mga isip-lamok lamang ang mananampalataya.... + +--Ang inggit ay talagang nakalilikha ng sarisaring paninira--ang payo +ng may katandaan. + +--Kaya matakot at mangilag tayo--ang ayon ng iba. + +--Walang sasama kay Beteng--ang paalaalang muli ng banduristang +kapangpangan.... + +--Wala! ¡Wala! ¡Wala!--ang ayon ng lahat at pinamayani na naman ang +kanilang mga hawak na kilabot ng panglaw, taga taboy ng lungkot at +lumilikha ng tuwa: ang biyolin, bigwela at bandurya. + + + + + + + +V + +¡WALANG SALA! ¡ANG TAGUMPAY AY ATIN! + + +Maligayang umaga noon. Sa Looban, daang tumutumbok sa malaking pagawaan +ng tabako, ay maraming kawal ng pawis ang nagmamadalían. Sa una'y +langkay ng mga babai; sa dako roon ay nagsusumugod na mga lalaki; sa +dako rito ay sunodsunod na may mga kagulangan na; at sa huli ay mga +dalaga at binatang pawang nagtatalik sa galak. Walang alinlangang +sarisaring bagay ang napaguusapan. Minsan ay may nagtatalumpati +sa pagtatanggol sa kanyang ipinaglalaban. Minsan ay pumutok ang +halakhakan. Ganyan ang mapupuna sa alin mang pangkatin. + +Sa karamihan ay may namumukod na dalawang lalaki. Ang isa ay may +magarang gayak; pulus na puti ang suot at korbatang sutlang granate +ang nakatali sa liig. Isang sombrerong kalasyaw ang nakatakip sa +ulo, na lalong nagbibigay ganda sa mayamang tabas ng mukha. ¡Kay +kintab ng sapatos na abelyana! At ¡kay lapad ng liston! Sa bikas at +pananamit ay nagbabansag ng kalwagan sa buhay. Samantalang ang isa ay +nakabarong intsik lamang. Lumang luma na ang pahang sunong. At isang +tsinelas na kupas na ang kulay ang nagtatanggol sa paa. Naglalarawan +ng karalitaan. Yaon, ang makisig, ay ang binatang Beteng. At ito ang +anak-dalita, ay si Simon. Sa agos ng mga manggagawa sa Tabakalera ay +napaanod sila. + +--Sa linggo na ang araw ni Loleng--ang sabi ni Beteng kay Simón. + +--Oh, ¿handa na po ba ang komparsa natin?--ang tanong naman nito. + +--Hindi ko nga po matiyak kaya ko po kayo inabangan. + +--Bakit po? + +--Mangyari'y naparoon ako kagabi kina Dolores ay ibinalita sa akin +ni kapitana Martina, na si Artemyo raw ay nangako rin ng komparsa. + +--Lalong magaling. Ngayon tayo magsusubukan ng gilas. Upang makilala +ang inyong katayugan kay Artemyo ay dapat kayong iyagapay sa +kanya. Walang salang magbibigti siya sa kahihiyaan.... + +--Huwag tayong umasa. + +--Bakit po? + +--Hindi ko pa natitiyak na mabuti ang ating komparsa. Malaon ko nang +kinausap sila at hindi ko na hinarap uli. + +--Tiyakin mo po; at nang mapatabi ang gigirigiring iyan.... + +--Bah! Kung lumabas na magaling ang kanyang dala, ay ¿di naagawan +tayo ng dangal? + +--Hindi po! ¡Magagaling tumugtog ang tao natin! Tiyakin mo po lamang +ay di na kayo dapat magalaala pa. + +--Baka tayo mabitin ah!... + +--Sa ano pong dahilan? + +--Kung di tayo siputin. + +--Bakit po? ¿Nauulol ba sila? ¿Binayaran at dí sisipot? ¿Magkano po +ba ang ibinayad ninyo? + +--Wala pa akong ibinibigay kung hindi limang piso lamang na ibibili +raw ng kuwerdas. + +--Sa tao po, ¿magkano ang isa? + +--Huwag ko raw pong alalahanin. + +--Iyan ang masama. Ang mabuti ay bayaran natin; upang kung hindi sila +sumipot ay magkaroon tayo ng bibig. + +--Gayon din po ang naisip ko kagabi kaya ninais kong makausap kayo.... + +Isang malakas na sigaw na ¡tabi! ang lumagot sa salitaan. Noon ay +humahagibis ang dalawang karitela na naguunahan. Ang una'y pawang +dalaga ang lulan, at ang huli'y pawang binata naman. + +Lumingon at tumabi ang dalawang naguusap, bago nagpatuloy si Beteng: + +--Kasama rin lamang ninyo riyan sa Kompanya ang pinaka maestro nila, +ay kausapin lamang ninyong mabuti kung mangyayari. + +--Opo, at titiyakin ko. + +--Ibigay mo po lamang ito--at dumukut sa bulsa ng isang papel na +sasampuin--sabihin ninyong para sigarilyo lamang iyan. + +--Kay dami naman! + +--Daragdagan ko pa po iyan, mapuri lamang tayo ni kapitang Andoy. + +--Walang sala! ¡Ang tagumpay ay atin! ¿Alin daw po bang komparsa ang +kinuha naman ni Artemyo? + +--Hindi ko po masabi. + +--Tiyak daw po bang sisipot? + +--Marahil. ¿Mangangako ba iyon ng papaano? Mawawalan ba ng kakilalang +komparsa iyon, ay sa siya ay isang artista. + +--Hindi rin siya dapat humara sa ating dadalhin. + +--At mabuti namang magdala siya, upang mapalapat ang kanyang +kapangahasang bumanggá sa tapayan. + +Na sa tapat na sila ng Tabakalera. + +Kapwa sila tumigil at tumayo sa tabing daan. Noon ay dating at dating +ang kawal ng paggawa. Babai at lalaki, dalaga at bagongtao, matanda +at bata, ang nagsisisipot. ¡Kay daming anak ng pawis! + +--Ano pong oras ang sasabihin kong ipagkikita natin sa linggo?--ang +mana'y tanong ni Simon. + +--Ika siyam ng umaga. Doon na tayo magtagpo sa bahay nila Loleng--ang +tugon ng kausap. + +--Sasabihin ko po. + +--Baka malimutan ninyo? + +--Hindi po. + +--Baka tayo mabitin? + +--Huwag mo pong alalahanin. Ako ang bahala. + +--Walang sala! ¡Ang tagumpay ay atin! + +Nagtuloy ng pumasok si Simón sa malaking pagawaan. Si Beteng ay yumaon +naman. Hanggang doon natapos ang usap ng dalawang magkatiyap. + + + + + + + +VI + +ANG ARAW NI LOLENG + + +Madaling-araw ng linggo. Noon ang ganap na ika labing walong Mayo ni +Dolores. Mula sa pinto ng Simbahan sa Pako ay dalawang babai yaong +lumabas. ¡Mga pusong banal yata! At lumakad silang patungo sa daang +Pas. Ang maliwanag na tanglaw sa daan, ay siyang nagsabing yaon +ay si Dolores kasama ni kapitana Martina. Galing silang nagsimba +na pinasalamatan sa Diyos, ang masayang pagsapit ng kaarawan ni +Loleng. Ang malamig na simoy ng hangin, ang mga patak ng hamog sa +damo, at ang liwanag ng ilaw sa daan, ay siyang unang naghandog ng +maligayang bati sa mapalad na dalaga. + +Dumatal sila sa bahay na ang lahat ay nagsisikilos na. Ang tunog ng +pinggan, taginting ng kubyertos, at sagitsit ng mantika ay siyang +unang maririnig. Bago mapupuna ang bango na isinasabog ng hangin: +ang amoy ng ginisa. Kung minsan ay namamaibabaw din ang iyukan ng mga +inahin, tandang at kapon na manok. Ito ang mga martir ng pista. Ang +lalong maingay at di maipagkakaila ay ang iyak ng baboy. Tatlo ang +pinatay noon. + +Sa kabahayan naman ay iba ang kilusan. Ang tinig ni kapitang Andoy ay +siyang naghahari. Utos dito, utos doon ang ginagawa. Lagatok naman +ng mga upuan, at lagaslas ng dahong saging na ikinukuskos sa sahig, +ay siyang sumasagot. Gayon na lamang ang paghahanda. + +Sa siwang ng mga bundok sa silangan ay masayang dumudungaw ang +bukang liwayway. Marahang tumatakas ang dilim at panglaw. Ang galak +at liwanag naman ang bumabangon. Mana'y boong ningning na sumikat +ang ilaw ng sangkatauhan, upang batiin marahil ang dalagang sapupo +ng tuwa sa araw na yaon. + +Ang mga taong naglalakad sa daang Sagat, ay napapatigil sa tapat +ng bahay ni kapitang Andoy. Pawang humahanga sa napakakisig +na pagkagayak. Mahahalagang enkahe ang naglawit sa itaas ng mga +durungawan. Sa gitna nito'y malapad na lasong rosas ang pinagbuhol ng +bikas paroparo. Sa mga haligi ng kabahayan ay tungkos ng sarisaring +bulaklak ang naglawit. Magagarang san pransisko ang halamang nagtanod +sa mga pinto. + +--Dapat ngang pagubusan ng kaya si Loleng--ang wika ng isang +napatigil--sapagka't siya ay bugtong na anak ni kapitang Andoy. + +Ilang sandali pa ang nakaraan, bago sumipot si Beteng. Makisig na +makisig ang binata at masayangmasaya na pumanhik. + +--Kay aga ng buwisit na ito!--ang nasabi sa sarili ni Loleng nguni't +masayang sumalubong--Tuloy kayo. + +--Maligayang bati po--ang bungad na wika ni Beteng at kinamayan +ang dalaga. + +--Salamat po. + +--Magandang araw po mang Andoy--ang paggalang nito sa kapitan. + +--Tuloy kayo--ang tugon naman ng tinukoy. + +Nagtuloy ang makisig na binata. At kung gaano ang bikas niya noong +masalubong natin sa daan Looban ay lalo at higit ngayon. Ang buhok +ay hating hati at ang mukha ay pinahiran ng pulbos. Bagong korbata +na naman ang nakabitin sa liig, datapwa't walang alinlangang buhat +sa almasen ng Siyap sa Eskolta. Ang ternong lana ng pusong gumilas, +ay siyang nagbabansag ng kabusugan niya sa pananalapi. Nguni't ang +lalong kapunapuna, ay ang malalaking brilyante na nagniningning sa +dibdib at mga daliri. «Inubos ang peseta!», ang sabi nga ni Dolores sa +sarili. Subali't lalo siyang namangha noong buksan ang balutang dala, +na anya'y: + +--Aling Loleng kung kayo man ay nagagalak sa pagsapit ng inyong araw, +ay lalo at higit ako. Ang katunayang di magkasya sa puso ko ang tuwa, +ay di na matutuhan kung alin sa likha ng tao o likha ng katalagahan +ang pipiliin kong ihandog sa inyong mga yapak. Pagyamanin mo po ang +nakaya ng inyong lingkod. + +Pandidilat ng mata ni kapitang Andoy; matulin na paglabas ni kapitana +Martina; at isang «salamat po» lamang ni Dolores, ang tumugon sa +mahabang talumpati ng binata. Samantalang mula sa pinto ay maraming +mukha ang nakasungaw na sabik makakita ng handog ni Beteng. Yaon +ang mga katulong sa paghahanda, at mga kapit-bahay na katapatang +loob. Ang matandang kapitana na inip sa matagal na pagkalas ng tali, +ay tumulong kay Beteng bago bumulalas: + +--Kay ganda nito! + +At itinaas ng kanyang kamay, ang isang alpiler na may malaking +bató, saka tinitigan ng papikitpikit pa. Ang mga nanonood, maging +si kapitang Andoy, ay napipilan. Si Dolores naman ay pinapagpapawis +ng pangingimi. Nahihiya na di maintindihan. Lalo namang sumisigla si +Beteng ng pagtatanghal ng kanyang handog. Sa ibabaw ng mesang marmol +ay inihanay na lahat upang hangaan ng nagsisitingin. + +--Kay dami naman!--ang wika ni kapitang Andoy, nang mamalas niya ang +mga botelya ng pabango, ang kaha ng pulbos, ang magarang pulbera, +ang salaming pangmesa, ang sutlang pamaypay, at ang isang dosenang +panyolitong nagpuputian. + +--Inubos na niyong hinakot ang tinda sa Eskolta!--ang bulalas uli +ni kapitana Martina, na idinuro sa alampay ni Dolores ang mahalagang +alpiler. + +--Aba!--ang magkakatulad namang paghanga ng ilan. Noon lamang sila +nakamalas ng gayong mga alay. At isa isang nagsilabas upang ipagpatuloy +ang ginagawa. + +Gayon man ang paghanga sa mga handog ni Beteng ay lugi rin +siya. Oo, lugi siya, sapagka't bahagya ng bayaran ng ngiti ng +kanyang iniirog. Nguni't palibhasa'y dalagang Tagalog, ang yumi, +hinhin at kadakilaan ng asal, ay di rin nasusupil ng pagkawalang +loob kay Beteng. Si Dolores ay si Dolores din. Siya rin ang dalagang +mapanghalina. Ang katotohanan ay ang anyaya niya kay Beteng: + +--Tayo po ay magagahan muna. + +--Salamat po--ang tugon ng binata. + +--Kung di kayo magaagahan dito, ay di ko namang tatanggapin ang mga +handog na iyan--ang tampo ng dalaga. + +--Naku naman!--ang ngiti ni Beteng. + +--Siya nga; tayo na muna magagahan--ang dugtong ni kapitang Andoy. + +--Salamat po--ang ulit ng binata. + +--Anong salamat? Tayo na--ang salo ng kapitana Martina. + +--Nakatapos na po--ang tanggi rin ni Beteng. + +--Ay ano kung nakatapos?--ang sambot ni Dolores--Ang agahan natin ay +laan sa nakatapos na. + +--Busog pa po ako--ang ayaw ng binata. + +--Hindi naman handa sa gutom ang agahan dito--ang pagtatanggol +ng dalaga. + +Natapos ang pakunwari ng binata sa ganap na pagsuko. At ilang sandali +pa ay napanood nang humihigop ng sikulate at nagpapahid ng mantikilya +sa tinapay. + +--Sinapul na mabuti ang handa!--ang wika ng isang batang utusan na +sumisilip mula sa kusina--¡Pati agahan ay tinodas na!... + +--Hayop! ¡Hayop!--ang parang tugon naman ni kapitana Martina na +nakahuli sa sumisilip at nilapirot ang taynga. + +--Aray!... ¡aray!...--ang iyak na lamang ng nadakip. + +Salamat sa pagdatal ng ilang panauhin, at binitiwan din ng kapitana ang +nahuli. Pumasok at sumalubong ng boong galak. Ang dumating ay dalawang +dalaga at isang binata. Tumayo si Dolores sa mesa at pinakapilit na +makisalo ang mga bagong panhik. Ilang sandali pa ay anim katao na +yaong magkakasalo. + +Sarisaring mga biro, sarisaring mga pagpuri ang naghari sa boong +pagkakainan. Minsan ay mamayani si kapitang Andoy, at kung minsan +ay mamaibabaw si Beteng. Datapwa't si Dolores ay ngiti lamang ang +inilalaban. Matagal-tagal din bago sila nagkatapos. + +Noon nama'y matindi na ang sikat ng araw. Dating at dating na +ang panauhin. Kanina ay mga dalaga. Ngayon ay mga binata. Mamiya'y +dalaga na naman. At marahil ay binata ang susunod. Dapat magkagayon: +sapagka't araw ng bulaklak ay bulaklak din ang dapat magdiwang. At +kung saan natitipon ang mga bulaklak ay doon nagkakagulo ang mga +bubuyog at paroparo. + +Halos sikip na ang bahay ni kapitang Andoy. Bawa't dumatal ay +«maligayang bati» ang namumulas sa mga labi. Datapwa't si Artemyo, +ang binatang giliw ng ipinagdidiwang, ang pusong lalong mapalad, ay di +pa sumisipot. Gayon man ay di kapunapuna ang pagkawala nito sapagka't +si Dolores lamang marahil ang di nakalilimot. Ang kapunapuna ay ang +di pagsipot pa ng komparsa. + +--Kapitang Andoy, wala ba tayong tugtugan?--ang usisa ni Labadre, +ang kanina pa'y kantiyaw ng kantiyaw. + +--Mayroon--ang tugon ng tinanong--Dalawa ang nangako sa akin. + +--Saan po naroon? + +--Hindi pa dumarating. + +--Ika sampu na po ah? + +--Maaga pa. + +--Baka lawit ang púsod ng mga nangakong iyan!... + +--Hindi po naman!--ang pagdaramdam na halo ni Beteng. + +--Biro ko po lamang iyon. Patawarin ninyo ako--at tinapos sa halakhak. + +Di na sumagot si Beteng at dumungaw upang tanawin marahil ang +kanyang komparsa. Datapwa't wala siyang namalas at ni si Simon ay di +sumisipot. "¿Bakit kaya?" ang naitanong sa sarili. Siya rin ang sumagot +"Maaga pa naman." At naupong muli na ipinako ang malas kay Dolores. + +--Kay ganda ng langit ko!--ang inipit na sigaw ng kalulwa. At mula +sa ulo hanggang paa ay pinanooran niya, ang gumugulo sa kanyang buhay +at pagkatao. + +Si Dolores, kung talaga mang may katutubong ganda, ay higit at lalo +pa noon. Batid niyang siya lamang ang magiging panoorin sa kasayahan, +kaya bumikas ng dapat maging bikas. Ang damit na isinoot ay yaong +talagang bagay sa kanyang ganda: kulay bughaw. + +--Loleng--ang saad ni Labadre--kay dami mong kandidato ay wala na +bang nagalay sa iyo ng tutugtog? + +--Ayaw ko nga niyan!--ang yamot ng pinagukulan. + +--Hindi ba?--ang patigas ni Labadre--may artista ka, may estudyante +ka, may pintor ka, may.... + +--Mayroon ng lahat!--ang patalo ni Dolores. + +Tawanan at titigan ang itinugon ng lahat. Siyang pagsipot ng anim +na dalagang nagpapangagaw sa dilag. Ang gayak ay paraparang ternong +bughaw. Yaon ay mga bituin ng "Kami Naman." Batian at kamayan ang +nangyari. At naupo na naman ang lahat. + +--Wala pa hanggang ngayon ang komparsa!--ang kantiyaw na naman ni +Labadre, matapos magpausok ng tabako at makapagpaindayog sa kulumpiyó. + +--Tanghali na nga--ang dugtong ni kapitang Andoy. + +--Sayang ang mga sandaling nakararaan!--ang patuloy pa ni Labadre. + +Si Beteng ay parang iniinis. Nabakla tuloy na baka di na nga sumipot +ang komparsa. Hindi na mapalagay ang binata. Dudungaw; uupo; tatayo; +at lalabas na lamang ang gawa. + +Ang mga bubuyog ay patuloy sa pakikipagbulungan sa mga bulaklak. Ganap +na kaligayahan ang inaawit nila. Bawa't isa'y kinalalarawanan ng galak, +tuwa, aliw. + +May mga binatang palipatlipat ng upo. At may mga dalagang +nagbabanalbanalan. May mga bagong taong bibig at matá lamang ang +kumikilos. At may mga dalagang kamay lamang ang pinagagalaw sa +pamamaypay. Ano pa't halohalo na: ang mabait at ang malikot. + +Si Dolores man ay masayang masaya rin. Samantalang si kapitana Martina +ay lakad dito, lakad doon. Pumasok, lumabas, ang ginanap na tungkulin. + +--Ano bang komparsa iyan?--ang di mapakaling bulas na naman ng bibig +ni Labadre--¿hanggang ngayon ay wala pa?... + +--Antabayanan natin--ang alalay naman ni kapitang Andoy. + +--Sus!--ang payamot na ni Labadre--sinasabi ko't lawit yata ang púsod +ng mga nangako.... + +--Mang Beteng, ¿anong oras po ba darating?--ang usisa na ni kapitang +Andoy. + +Pinawisan ng malamig ang binata at matagal din bago nakasagot: + +--Ang sabi ko po ay ika walo. + +--Bakit wala pa hanggang ngayon?--ang lahók ni Labadre. + +--Talagang gayon po tayong pilipino: pag sinabing ika walo ay antayin +mo sa ika labing dalawa....--ang katwiran ni Beteng. + +--Samakatwid ay mamiya pa sila darating--ang pandidilat na ni Labadre. + +--Malaking sisté!--ang yamot na ni kapitang Andoy--¡Pati si Artemyo +ay nawala na ah!... + +Nagbingibingihan si Beteng nguni't naglalagablab ang loob. Ang poot +niya ay kay Labadre nabubuhos. «¿Sino bang hayop ito?» ang tanong +sa sarili. ¡Kay luwag ng kuwelyo! ¡Kay iksi ng amerikana! ¡Tambakan +yata ng basura ang bibig sa walang sawang pagnganga! Pausok ng pausok +ng tabako at bibig na lamang niya ang naririnig. Sulot ng sulot sa +kapitang Andoy na parang binubaeng gumigiri. Dapat ngang kainisan ni +Beteng. Kung hindi sa kanya, kay Labadre, ay di pa lubhang maiinip +ang ama ng kanyang Dolores. + +--Kapitang Andoy,--ang pagitna na naman ni Labadre--kung batid ko +lamang na walang tugtugan ay ako sana ang nagdala... + +--Bakit po? ¿Wala po bang tugtugan?--ang usisa ng ilang kaharap. + +--Mayroon--ang tugon ng kapitang Andoy--darating na. + +--Sunduin ko yata?--ang putol ni Beteng. + +--Huwag na po--ang pakunwari ni Dolores. + +Ang sagot na ito ng binibini ay nakapagbawas din ng kaba ng dibdib +ni Beteng. Paano't paano ma'y nakabuhay din ng kanyang loob. Lubha +pa noong pumasok si kapitana Martina na nagsabing: + +--Loleng, samantalang wala pa ang mga komparsa, ay ilabas mo ang +iyong alpá at aliwin mo ang iyong mga kaibigan. + +--Siya nga po. + +--Yaon ang magaling. + +--Ang inaantay namin. + +--Halana. + +Gayon ang naging tugunan ng lahat na pawang nagpako ng malas +sa dalagang ipinagbubunyi. Sa likod nito ay namaibabaw din si +Labadre. Anya'y: + +--Ilabas mo't marami tayong paaawitin dito. Hayan si Nitang, ang tiple +sa Mandaluyon, si Berang, ang dangal ng Tangke, si Siyon ang buhay ng +"Kumilos Tayo," at.... + +--Silang lahat na!--ang dugtong ni kapitang Andoy. + +--Siya nga po, siya nga po--ang ayon ng mga binata. + +--Bah! ¡bah! ¡bah!--ang pagtanggi ng mga dalaga. + +Ayaw pa sana si Dolores na ilabas ang kanyang alpá, dahil sa pagkatig +sa kanyang mga kabaro, nguni't napilitan din. Ilang sandali pa ang +lumipas at nagdiwang na ang mga daliri ni Dolores. Mahabang palakpakan +ang tumapos. + +--Talagang ang dalaga ni kapitang Andoy, ay madadala na sa esposisyon +sa Panamá--ang pagpuri ni Labadre. + +--Naman!--ang salo ni kapitana Martina at ni Dolores. + +--Walang biro: ang mayaman sa ganda at mayaman sa talino, ay talagang +pang-esposisyon--ang patuloy ni Labadre--Nguni't.... ¿wala pa ang +mga komparsa? + +Si Beteng na naman ang natisod. "¡Kulog na matanda ito!" ang bulong, +"¡hindi na napagod ang bibig!" Salamat at nagbago ng salita si Labadre: + +--Nitang, tiple ng Mandaluyon, ikaw naman ngayon. + +--Si mang Labadre naman--ang patumpik ng pinagukulan. + +--Halana; isang kundimang makalaglag matsing--ang pilit ni +Labadre--Loleng, tugtugan mo. + +Nagpalakpakan ang mga panauhin, nguni't si Nitang ay ayaw pa rin. Ang +dalagang sibol sa langit ng Pilipinas ay talagang gayon. May talino +man ay hindi ipinagpaparanya. Bagkus ikinukubli habang napipita. Lalo +na't pagpuri at paghanga ang ipaghahalungkat. + +Mana'y isang matining na tinig ang nagpatahimik sa lahat. Umaawit +si Nitang at sinasaliwan ni Loleng. Si Labadre ay napatigil +din. Sinamantala naman ni Beteng ang pagpanaog upang salubungin +marahil ang komparsa. + +Sa panulukan ng mga daan Sagat at Penyapransiya, ay doon tumanaw +si Beteng. Sarisaring guniguni ang lumaro na sa binata noong hindi +niya mamalas ang inaantay. ¿Biniro kaya siya ng komparsa? ¿Talaga +kayang di na sisipot? ¿Ano ang ginawa ni Simon sa salapi? Ganyang mga +tanong ang di niya matugon. Nangangawit naman sa pagtanaw sa wala, +ang kanyang malas. + +Minsan ay magningas ang poot kay Labadre. Kung wala ang taong yaon ay +di gaanong mapupuná ni kapitang Andoy ang di pagsipot ng komparsa. Ang +kapitan ay nawiwiling makipagusap sa mga panauhin. Datapwa't laging +sinusulot ng masalitang matanda. Ito ang nagpapalaki ng sunog. Ang +kanyang pagkatao ay nabingit tuloy sa pilapil ng kahihiyaan. + +Si Simón naman ang nahagilap ng alaala. ¿Pinagtaksilan kaya siya? Hindi +mangyayari. Kagabi lamang ay ika labingisa na ng umalis sa bahay +ni Beteng. At sinabi nitong naibigay niya ang salapi at tinanggap +naman. ¿Saan naroon? Marahil ay tinitipon ang manunugtog. Walang sala; +pagka't pinainum pa niya ng herés, bago umalis. + +Humakbang ng ilan ang binata at idinukot sa bulsa ang kamay. Tumanaw na +naman sa malayo, nguni't wala pa rin. "Mga tao na namang iyon, ¿di kaya +inaalala ang kahihiyan ko?" ang tanong na magisa. Tinanggap ang salapi +at ¿di sisipot? ¡Malaking pagkukulang sa pagsasama! Datapwa't ¿ano +ang magagawa ni Beteng? Siya'y nagaanyaya lamang. ¿Ang salapi? Yaon +ay pabuya lamang. Iba ang upa sa pabuya. Kung upa, kahi't umulan ay +sisipot sa takdang oras. Sapagka't pabuya, ay daratal kung kailan +sipagin. ¡Utang na loob pa! + +Inip na inip na ang binata. Pumagitna na naman sa daan at muling +tumanaw. Wala pa rin. Si Simon man ay wala rin. ¿Tuluyan na kayang +mabibitin ang kaawaawa? Sumisikdo ang loob; sumasasal ang tibok +ng puso; nangangapos ang hininga. ¡Mahirap na talaga ang mabingit +sa kahihiyan! + +Waring nabuksan ang langit kay Beteng nang marinig niya ang tunog +ng bigwela. Walang alinlangang yaon ay kina kapitang Andoy. Halos +ay tumakbo ang binata sa galak. Matulin na pumanhik. Lalong sikip na +ang bahay na bago ng kapitan. Noon ay nagsasayawan na. Taas ang noo, +lantad ang mukha, na dumulog sa harapang yaon. Nguni't ¡kay laking +pagkabigo! Ang tumutugtog pala ay hindi ang komparsang kanyang +inaantay, kung hindi ang orkesta ni Artemyo at ni Pastor. Napipi at +napamangha ang binata. Lalong ibinaon siya ng kahihiyaan. Malalamig +na patak ng pawis ang umaliw sa kanya. Ang mata naman ng mga kaharap +ay parang umuuyam sa kaawaawa. + +--Naito na pala si mang Beteng!--ang bulalas ni Labadre--¿nahan ang +inyong komparsa? ¡Wala! ¡Nilagpasan kayo ni Artemyo!... + +Walang naitugon si Beteng kung hindi sarisaring banta. Poot kay +Artemyo, sapagka't napaibabawan na naman siya. Galit kay Labadre, +dahil sa lagi siyang hinihiya at ibinibilad. Ngitngit kay Simón +at sa komparsa, sanhi sa siya'y isinubo sa kahihiyaan. Gayon ma'y +nagbakasakali ring daratal. At pinilit ang ngiting nagsaad kay +kapitang Andoy: + +--Nahuli ang komparsa natin. + +--Tanghali na nga--ang tugón naman ng pinagukulan. + +--Nahan mang Beteng ang inyong komparsa?--ang pagitna na naman ni +Labadre--¿mayroon ba o wala? + +--Mayroon--ang salo ni kapitana Martina na noon ay abalang abala--Ito +namang si Labadre, ¿hindi pa ba kayo nasisiyahan sa orkestang iyan? + +--Bah! Iba po ang komparsa ni mang Beteng sa orkesta ni mang +Artemyo--ang tugon ni Labadre. + +Patuloy naman sa pagtugtog ang orkesta, at patuloy din sa pagikot sa +sayaw ang mga bubuyog at bulaklak. Si Loleng naman at si Artemyo ang +nagsasarili; kaya lalong naglalagablab ang poot ni Beteng. Paano'y +dinadarang ng panibugho. Gayon ma'y nagtatagumpay din ang dakilang +asal. Nagkamayan din ang dalawang binata. Kay Pastor ma'y parang +walang ano mang bigat ng loob. + +Natapos ang sayawan. Pumutok ang serbesa. Lalong namayani si +Labadre. Datapwa't si Beteng ay parang nauupos na kandila. Lahat ay +nakamata sa kanya o kay Artemyo kaya. + +--Malaking pagkabigo!--ang pagkakalat na naman ni Labadre--¡Napeste +na yata ang komparsa ni mang Beteng! + +Halakhakan ang itinugón ng lahat. Ang binatang tinukoy ay maputlang +maputla. Isang babai lamang yaong nakasagot: + +--Si mang Labadre naman; itinatanghal ninyo ang lalaong dakila sa +ating panauhin.... + +--Lalong dadakila kung sumipot ang komparsa--ang patlang ni Labadre. + +--Sisipot din--ang pagtatanggol ni kapitang Andoy. + +Walang imik at nakahalukipkip si Artemyo sa piling ni Pastor. Kapwa +sila nagpapausok ng tabako. + +--Sayang!--ang saad na naman ni Labadre--Mabuti, kapitang Andoy, at +nagkaroon kayo ng isang Artemyo, disin ay nabitin tayong lahat.... ¡Sa +akin ay si Artemyo ang lalong dakilang panauhin ngayon!... + +--Salamat po--ang salo ng pinuri. + +--Ehem,--ang tikim naman ng ilán na ginanti ng kindat ng ibang +nakababatid ng lihim. + +Dadaluhingin na sana ni Beteng ang Labadreng kanina pa'y kinaiinisan na +niya, kung hindi dumatal na humahangos at may dugo sa damit si Simón. + +--Mang Beteng!--ang wika--¡Humawak ka po ng patalim at ibangon natin +ang iyong kahihiyan! ¡Narito ang umaagaw ng iyong dangal! ¡Ang isa +ay napatay ko na! + +--Ano ang nangyari? ¡Simón!--ang gulat na tanong ni Beteng. + +--Kailangang pumatay ka po ng tao pagka't ang dangal mo ay inaagaw +ng iba! + +Boong tapang na isinaad na labis na nakatulig sa lahat ng +nakikinig. Si Beteng ay lalong naupos. Si Labadre man ay napipilan +din. Maging si kapitang Andoy, maging si kapitana Martina, ay napako +sa pagkamangha. Ang magandang Dolores ay nangliit sa takot. Sino ma'y +walang nakaimik. Isa isang minalas ni Simon ang panauhin. Hinanap ng +kanyang mata ang mga kaaway ng kanyang katoto. + +Sa gayong anyo, na lahat ay natitigilan, ay sumipot ang mga alagad, +ng pamamayapa, ang kinatawan ng pamahalaan. Tinutok ng rebolber si +Simon na: + +--Bitiwan mo ang iyong patalim! + +Binitiwan naman nito. Pinulot ng isa sa mga tiktik. Kinawit naman sa +kamay ng isa si Simon. At magalang silang yumaon. Si Beteng ay sumama +naman sa dinakip. At ang alingasngas ay lalong naghari. + +Isa't isa'y lumapit ngayon kay Artemyo at kay Pastor. Balana'y +nag-usisa kung ano ang nangyari. Nguni't sa lahat ng tanong ay +pawang «aywan» ang sagot. At yumaon na rin ang magkaibigan, matapos +magpasintabi kay Dolores at sa lahat ng panauhin. + +--Baka di na kayo bumalik?--ang huling tanong ni Loleng. + +--Babalik; sandali lamang kami--ang tugón ng dalawáng nagmamadali. + +Sarisaring hinagap ngayon ang naghari sa kasayahan. Bulong dito, +bulong doon, ang nangyari. Si Labadre nama'y lumikha na ng kung ano +anong mga hiwaga na singaw marahil ng alak. + + + + + + + +VII + +ANG PAGKAKATAONG LALONG MASAKLAP + + +Hapon na noon ng araw ni Loleng. Ang panauhin nila ay mga katulong +na lamang. Ang pagsasaya ay natapos sa di oras, dahil sa sigalot +na nangyari. + +--Bah!--ang nasabi na lamang ni Artemyo nang siya'y dumating na lahat +ay natatahimik. Ang durungawan man ng bahay ay nakalapat. Isa mang +tao ay wala siyang mamalas. Tunog ng pinggan sa labas ang kanyang +napupuna. Nagalanganin tuloy na magpatao po. Subali't noong siya'y +tatalikod na lamang ay nakarinig ng: + +--Mang Artemyo, tuloy kayo! ¿Ano po ba ang balita? + +Ang kapitana Martina pala ang tumawag kaya't pumanhik ang binata. + +--Bakit ngayon lamang kayo?--ang bati naman ni Loleng na buhat +sa silid. + +--Bakit naman nagkatapos agad?--ang usisa ng binata. + +--Nagkasakit sa nerbiyos si Andoy--ang salo ng kapitana--Nariyan sa +silid na binabantayan ni doktor Borlongan. Malubhang totoo. + +--Diyata!--ang taka ni Artemyo. + +--Nasindak kay mang Simon--ang patunay ni Dolores--Bakit talagang +may sakit sa puso. + +--Ang nangyari po'y ganito--ang pagbabalita na ni Artemyo--Nangako +rito, o kay kapitang Andoy, si Beteng ng komparsa. Ang komparsa pong +yaon ay pinangangasiwaan ng isang nagngangalang Tomas. Si Beteng, +upang matiyak na sisipot dito ang komparsa, ay nagbigay pa ng +salapi. Si Simon po naman ang nagdala, sapagka't ito ang kasama ng +Tomas sa hanapbuhay. Nagkasundo di umano sila, at tinanggap daw po ang +pinakaupa. Nguni't kanina raw po ay antay ng antay si Simon ay walang +sumisipot. Hinanap daw po si Tomas at nakita sa bilyar. Inusisa raw +po nito kung bakit di tumupad sa salitaan. Sapagka't si Tomas daw po +ay napagtatalo ay di raw hinarap si Simon. Sa gayon ay sumubo na ang +poot ng sumundo. Isang kung sino naman ang bumulong daw kay Simon +na "talagang hindi sila sasama sa inyo sapagka't salitaang ibibitin +kayo." Lalong nagdilim daw po ang isip ni Simon. Nagbunot na raw po +ng kortapluma at nilabnot ang damit sa dibdib ni Tomas. "¿Sasama +ka o hindi?" ang makapangyarihan daw na tanong. "¡Huwag ka ngang +buwisit!" ang tugon daw naman ni Tomás, "¡Hayan ang salapi mo!" at +inihagis daw po ang pabuya. Sapat na yaon upang si Simon ay gumamit +ng patalim. Tinarakan na raw po sa tapat ng puso si Tomas.... + +--Hesus!--ang pahiyaw ni kapitana Martina. + +--Di namatay?--ang saad naman ni Loleng. + +--Mangyari pa po! ¿Di ba ninyo narinig ang hagibis ng ambulansiya?--ang +tanong pa ni Artemyo. + +--Narinig nga namin at siya tuloy nagtaboy ng maraming panauhin--ang +saad ng kapitana. + +--Bakit sinabi ni mang Simon kay Beteng na narito ang umaagaw ng +kanyáng dangal?--ang usisa pa ni Loleng. + +--Ipinalagay po marahil nila na si Pastor o ako ang nagsulsol kay +Tomas, na huwag sumipot. + +--Patawarin ng Diyos!--ang saad ni kapitana Martina, at hinarap si +Dolores--ipaghanda mo sila ng mirindal. + +--Huwag na po. Marami pong salamat--ang maagap na pagayaw ni Artemyo. + +--Hindi manyayari; kakain at kakain kayo--ang pasya ng kapitana. + +Si Dolores nama'y yumaon na upang ipaghanda ang irog. Ilang sandali +lamang ay magiliw na nagsabing: + +--Tayo na. + +--Huwag na po--ang pasalamat ng binata. + +--Hala na--ang yaya naman ng kapitana. + +Sa kapipilit ay tumayo rin si Artemyo. Silang tatlo ay nagharap sa +lamesa. Sumungkit si Dolores ng mantikilya at ipinahid sa tinapay +ng binata. Nilagyan naman ng kapitana Martina ng keso ang pinggan +nito. Nguni't noong isusubo na lamang ni Artemyo ang biskuwit na +isinahok sa mainit na sikulate ay nabigla sila sa tawag na: + +--Kapitana! ¡Kapitana! ¡Dolores! ¡Dolores! ¡Madali kayo at mamamatay +na ang kapitan!... + +Madaling gumibik ang tatlo. Unahang pumasok sa silid ng kapitan. Isang +higit na lamang ng balikat ang kanilang namalas, at: + +--Patay na!--ang saad ng doktor. + +Malakas na hagulhol ng magali ang nagbalita sa boong kabahayan, ng +masaklap na pagyaon ni kapitang Andoy. Dumagsa sa silid ang tao mula +sa labas. Madlang kapitbahay ay nagsidalo rin. + +Samantalang nagsisitangis halos ang lahat, si Artemyo ay pagal na pagal +namang inaaliw ang kanyang pinopoon. Sa pagkahandusay sa isang upuan +ni Loleng, ay boong giliw niyang pinapaypayan. Pinipisilpisil ang +mga daliri at hinahaplos ang mukha. Walang malay naman ang dinaklot +ng pighati. + +Isang sandali pa ang lumipas at tinanghal nang bangkay, ang kanikanina +lamang ay tinawag na kapitang Andoy. + +Sa isáng silid ay nagkulóng na naglapat ng pinto ang magali. Mula +roon ay umalingawngaw ang malumbay na pagtangis nila sa dagok ng palad. + +¡Kay saklap na naging kaarawan ni Loleng! ¡Nagsimula sa galak at +natapos sa mapait na pagluha! ¡Sawing palad na pagkakataon! + + + + + + + +VIII + +MGA NALUGMOK SA LIWANAG NG BUWAN + + +Gabing maligaya. Ang buwan noon ay parang nabibitin sa +langit. Nagpapalalo ng kanyang yaman. Sa daan Sagat naman noon, +ay magulong maguló ang mga bata. May tubigan, may taguan, at kung +ano-ano pang laro ang ginaganap. Nakikipaglamay sila sa liwanag na +kaayaaya. Noon ang ika pitong gabi ng dasal na patungkol kay kapitang +Andoy. Kaya't kung sino-sinong manang at manong ang nagsisidatal. At +lalong marami ang dalaga at binatang mga kaibigan ni Dolores. + +Ang masamyong halimuyak ng mga dama-de-notse, sa halamanan ni Loleng, +ay sumusuob noon, at bumabati sa mga alindog na panauhing patungo sa +dasal. Ang mga panggabing paroparo, o mga pusong palaboy ng pagibig, ay +naglisaw naman sa daan at inaabangan ang kanikanilang bulaklak. ¡Sayang +nga naman ang pagkakataon! + +Mula naman sa langit ay nagkislapkislap ang mga hiyas ng kalawakan. Mga +bituing waring nagsasaad na sinusubukan namin kayo. Hangin lamang +marahil ang nakababatid ng kanilang isinasaloob. + +Mana'y tatlong lalaki ang sa daang Erran ay waring nagaaliw na +naglalakad. Sila ay si Artemyo, si Pastor at si Labadre. Makikipagdasal +ding gaya ng mga sinundang gabi. + +--Hiyanghiya siya noon--ang saad ni Labadre--wala pa kayo ay talagang +iniinis ko na. + +--Bakit naman?--ang salo ni Artemyo--baka tuloy isinaloob na tayo +ay magkakasapakat. + +--Maano yaon?--ang sabad ni Pastor. + +--Hindi--ang matwid ni Labadre--Batid naman ng lahat na tayo ay di +pa magkakakilala noon. + +--Kung sakali man ay sa pangalan lamang--ang lagot ni Pastor. + +Lumiko sila sa daang San Tiyago. + +--Magtapatan nga tayo--ang hamon ni Labadre--¿ano ang ikinagalit +ninyo kay Beteng? + +--Galit kay Beteng!--ang pagtataka ni Artemyo--Ni sa guniguni ay wala +akong galit sa kanya. Pilitin ko man yata ang mapoot ay di mangyayari. + +--Sus!--ang di paniniwala ni Labadre. + +--Talagang totoo kaibigan. + +--Ako ang magtatapat--ang agaw ni Pastor--¿Bakit ba ako magbubulaan? + +--Hala nga--ang sambot ni Labadre. + +--Ang masama ay dapat bungkalin--ang patuloy ni Pastor--Ang magtakip +sa isang kasamaan ay ginagawa lamang ng mga taksil. + +--Siyang totoo--ang ayon ni Labadre. + +--Sapagka't kami ay hindi taksil ay sasabihin ko ang katotohanan--ang +dugtong pa ni Pastor--makasama o makabuti man sa amin. + +--Iyan ang lalaki!--ang pagpuri ni Labadre. + +--Hatulan mo:--ang simula na ni Pastor.--Si Beteng ay dinaig nito sa +pangingibig kay Loleng. Dahil doon ay sarisaring paninirá ang kanilang +inasal. At pati ako ay binantang sapakatin. Nguni't di pumayag ang +puso ko. Nabigo ang kanilang amuki. Sila ni Simón ang nagkasundong +mabuti. Ako naman, palibhasa'y di maamin ng aking sarili ang pagagaw +ng dangal nito, ay siya ko namang inagapayanan. Hanggang sa loob ng +Samahang «Kumilos Tayo» ay nagpanagupa kaming mabuti. ¿Doon ba naman +ay sukat alisan ng tungkol at itiwalag ito?... + +--Hindi lamang yaon--ang putol ni Artemyo--inilathala pa sa mga +pahayagan na ako raw ay magdaraya, magnanakaw, at.... + +--Si Beteng ba o si Simón ang naglathala?--ang tanong ni Labadre. + +--Si Beteng; nakalagda pa eh--ang patuloy ni Pastor--Ang nasapit ay +nabagsak ang Samahan. Paano'y maraming nagsitiwalag at dinamdam ang +nangyari. ¿Biro ba ninyong kahihiyan, yaon? + +--Siya nga--ang ayon ni Labadre. + +--Mula na noon--ang dugtong ni Pastor--ay inabatan ko na siya. Inabatan +ko, ako lamang, sapagka't ito ay ayaw makipatol. + +--Bakit makikipatol ay napapabuti na siya?--ang biro ni Labadre. + +--Hindi naman--ang ngiti ni Artemyo. + +--Nang mabalitaan ko ang araw ni Loleng--ang giit din ni Pastor--ay +nilakad ko ang komparsa niyang inanyayahan upang huwag sumipot. Sa +mabuting salita ay di lamang pumayag na sila ay di sisipot, kung +hindi nangako pang sa amin sasama. Datapwa't inakala kong pangit ang +gayon. Kaya pinaurong ko ang kanilang pagparoon, at humanap na ako +ng orkesta.... + +--Ah! ¡Labis ang pagkaganti ninyo!--ang hatol ni Labadre--¡Malakas +na sampal ang inyong ginawa! ¡Nguni't ... patas na kayo! + +--Nakalalamang pa kami--ang habol ni Pastor. + +--Mangyari pa! sa inyo tumining ang pagpuri ng lahat--ang ayon +ni Labadre. + +Noon ay na sa tapat na sila ng tahanan ni Beteng. Madilim ang bahay +at wala ni kalatis mang marinig. Tahimik namang lumagpas ang tatlo. At +lumiko sila sa daang Sagat. + +--Kumusta naman kayo ni Loleng?--ang usisa na naman ni Labadre--Banta +ko'y nakasapit na kayo sa lupang pangako.... + +--Malayong malayo--ang tugon ni Artemyo. + +--Ang turo ko sa kanya--ang dugtong ni Pastor--ay pagkaraan ng dasal +sa nasirang kapitan ay umaklás na sila.... + +--Bakit pa aaklas?--ang tanong ni Labadre--Magpamanhikan na lamang +at ako.... + +Hindi natapos ang pananalita ni Labadre, at sunodsunod na, bumulagta +ang tatlong magkakasama. Isang lalaki ang nanampalasan. Saksak +dito, tarak doon ang ginawa. Nangakatimbuwang na'y di pa tinirahan +ng búhay. Sa isang sandali, ito ay naganap. Bago napakilala yaong +mamamatay: + +--Ako'y si Beteng! ¡Si Silbestre Santos! ¡Ang lalaking isinubo ninyo +sa kahihiyan! ¡Wala akong ginawa kun di maningil! ¡Ako na rin ang +hahanap ng katarungan!... + +Inihagis ang hawak na balaraw. Yumaon ang lalaking naghiganti. Nilisan +sa liwanag ng buwan ang tatlong bangkay. Ang ulo ni Artemyo ay napatong +sa dibdib ni Labadre. Si Pastor naman ay nakabulagtá sa may dalawang +dipang layo. Ang dugo ng mga sawi ay parang idinilig sa pook ng sakuna. + +--Tatlong bangkay! + +--Inutás si Artemyo! + +--Sino ang pumatay! + +--Pinatay si Labadre! + +--Hinarang! + +--Tinapos si Pastor! + +Ganyang mga alingawngaw ang sa ilang saglit lamang ay gumuló na sa +bayan ng Pako. Ang tao sa mga sine, ay unahan ng paglabas. Maging mga +pulis ay gulonggulong. ¿Ang dasal pa kaya kina kapitana Martina ang +hindi naligalig? Naligalig din. Naligalig ng gayon na lamang. Takbuhan +sila sa pagpanaog. + +--Ay!--ang buntong hininga ni Loleng, nang mamalas niya ang bangkay +ng kanyang giliw at nagunahan nang pumulas ang luha.... + +Ang kahihiyan ay sinupil ng pagibig. At ang lakas nito ay namayani +na naman noon. Niyakap ni Dolores ang bangkay ni Artemyo. Inihiga sa +kanyang kandungan. Luha naman ang itinulong ni kapitana Martina. At +lahat ay nagtaglay ng habag sa busabos ng pagibig; kay Loleng na +nagtanghal ng di karaniwan sa mata ng madla. Mabilís na umaagos ang +kanyáng luha, na nagbabansag ng matayog na kadakilaan ng kanyang puso, +at magtatanghal ng taimtim na pagdaramdam ng kanyáng kalulwa. + + + + + + + +IX + +BALIW NA NAGSASABI NG KATOTOHANAN + + +Waring mga salarín na hinahakot ang mga manglilimbag sa limbagan +ng Pamahalaan, at dinadala noon sa pagamutan ng San Lásaro. Dahil +sa pagkamatay ng isang kasama, sa sakit na dipterya, ay muntik ng +ikulong ang lahat ng kawani sa boong limbagan. Kuwarentenas diumano +ang kailangan, sapagka't mapanganib na sakit ang dipterya. Ang +mikrobyo raw noon ay totoong mabisang makahawa. Ganyan ang pasya ng +matatalinong doktor sa Kagawaran ng Karunungan. At naganap ang pasya, +baga man kay daming anak ng dalita ang napinsalaan. + +Lungkot, pighati, hinagpis, pamamanglaw, iyan ang lumalaro sa +mga kaawaawa na ikinulong sa isang kamalig na ni lamok ay di +makapasok. May tumatangis at may tumatawa. Datapwa't ... ¿ano +pa? Pagtangis na inililihim at pagtawang pilit lamang. Ang iba'y +malungkot na inaalaala ang asawa. Ang iba'y iniluluha ang mga anak. At +ang iba nama'y mapanglaw na ginugunita ang kanilang pinopoon sa buhay, +ang langit ng kanilang pagibig. Kung minsan sa hinagpis na ¡ay! ay +buntong hiningang ¡ay! din ang tugon.... + +At ¿bakit di sila mamamanglaw? Tunay; sila'y malalakas pa kay sa +humakot sa kanila. Paano'y wala namang sakít. Subali't ang pagkawalay +sa mga pinakamamahal sa buhay, ang masabing sila ay may mikrobyo +ng dipterya, ay labis nang makapanglumó ng puso. Isa lamang dito ay +sapat nang sumupil sa kanilang lakas. + +Noón ay isang hapong mapanglaw. + +Salamat sa pagdalaw ng ilang mga kasama at kamaganak, ay nababawasan +ang kanilang lungkot. + +Salamat din naman sa mga alaala ng "Kami Naman", na paano't paano +ma'y ikinaaaliw nila. Ang masasarap na biskuwit, welga, at sigarilyo, +na abuloy ng Samahang yaon sa Pako, ay nakatutugon din kahi't bahagya +sa kanilang hapis. Paano'y tanda yaon ng pagmamahal; pagmamahal na +ibinuyo ng pagibig; at pagibig na likha ng banal na pagkakapatiran. + +--Ano ang naisipan ng "Kami Naman" at nagpadala rito ng abuloy?--ang +tanong ng isa. + +--Wala. Tumupad lamang sila sa kanilang tungkulin. Dumamay sa +kapatid--ang paliwanag ng nakasalamin. + +--Tayo ba'y kapatid nila? ¿Hindi naman tayo kasapi?--ang patlang +ng iba. + +--Oo. Kapatid nila tayo; kasapi man at hindi sa kanilang +Samahan. Sapagka't ang mahihirap ay magkakapatid na lahat. Kung paanong +ang mahirap ay walang bayan, ay gayon din na walang lipi. Bayan niya +ang Sangsinukob at lipi niya ang Sangkatauhan.... + +--Tama! + +--Mabuhay! + +--Katwiran! + +Ganyan ang itinugon ng ilan at tinapos sa palakpak na pagpuri ng lahat. + +--¡Mga kapatid!--ang malakas na hiyaw na kanilang narinig. + +Natahimik ang lahat. Sila'y nagsidulog sa durungawan. At mula roo'y +napanood nila kung sino ang sumigaw. Isang baliw sa kulungan ng mga +sawing palad. Na sa bahay na katapat ng kanilang kinapipiitan. Mula +sa durungawan noon ay isang talumpati ang binigkas sa kanila: + +--Mga kapatid: Itigil ninyo ang pagawit ng galak. Ang dapat magalak +ay ang nasisiyahan sa buhay. Samantalang tayo ay naghihikahos: gipít +sa lahat ng kailangan; dahop sa salapi; uhaw sa paglaya; ay pawang +pighati ang ating dalitin... Sapagka't, sapagka't, sapagka't siyang +bagay sa ating kalagayan.... + +--Katwiran!--ang bulungan ng mga nakikinig. + +--Makinig tayo!--ang saway ng ilan. + +--Sa buhay na ito ng mga pangarap--patuloy ng nagtatalumpati--ay +talagang pawang katiwalian ang malimit mapanood. Ang mahirap ay +nasisiyahan sa kanyang kahirapan, nguni't ang mayaman ay di nabubusog +sa kanyang kayamanan. Gayong ang dapat mangyari ay masiyahan ang +masalapi sa kanyang kasaganaan, at dumaing ang dukha sa kanyang +kadahupan. Subuking iwasto ang lakad ng buhay: tumahimik ang mayroon; +magsigasig ang wala: at ang puso ng maralita ay hindi na tatangis.... + +--Totoo--ang turing ng ilang nakikinig. + +--Makamahirap pa!--ang paghanga ng iba. + +--Bayan ko--ang hiyaw na naman ng baliw--¿Kailan pa mapapanatag ang +iyong kapalaran? ¿Habang panahon na ba ang iyong pagtitiis? ¿Talaga +bang isinumpa ka sa kaapihan? ¿Bakit di ka kumilos? ¿Ano ang kabuluhan +ng iyong lakas? ¡Walang kalayaang inililimos! ¡Ang ipinamimigay +ay ang kalabisan ng nagbibigay! Ano pa't ang layang inaantay mo, +ay ¡ang labi ng panginoon! Datapwa't alalahanin mong may mga labi, +na ni hayop ay tumatanggi.... At ang bayang labi ng kapwa bayan, ay +mahina. ¡Walang kasing hina! Marupok. ¡Walang kasing dupok! ¡Parang +salamin lamang! ¡Sayang ang iyong matatalino! ¡Sayang ang iyong +matatapang! ¡Masdan mo't isa isang nagsisitulog sa libingan! ¿Bakit +di mo samantalahin ang kanilang lakas? Kung ang tao ay sumipot upang +makipagagawan sa buhay, ang bayan ay nilikha upang makipaglaban +sa karapatan.... + +--Iyan ang ulol na nagsasabi ng katotohanan!--ang pagtataka ng mga +nakikinig. + +--Sino kaya iyan?--ang tanong ng iba. + +Ang baliw naman ay lalong gumilas sa paglalahad ng mga +nangyayari. Kumuha ng pisi at sa dulo'y itinali ang kanyang panyolitong +puti. Inilawit sa rehas. Binayaang iniwagayway ng hangin. At malakas +na sinabing: + +--Hayan ang watawat ng pagsuko! ¡Hayan ang sagisag ng +pananahimik! Batiin ninyo at igalang. Mahalin ninyo at ibigin. Kung +iyan ang ating ilaladlad sa gitna ng digmaan ay unahan tayo ng +paghawak. Datapwa't kung pula, tanda ng paglaban, ay nagtuturuan +tayo. ¡Magdarayang tapang!... + +Sandaling natigilan. Bago nagpatuloy: + +--Bandila ng kapayapaan! Ang kapangyarihan mo ay nagdidiwang sa ibabaw +ng maliit at api. Nagdidiwang, sapagka't nasisiyahan sila sa kanilang +kaliitan at kaapihan. Datapwa't sa malalakas at manglulupig, ang +kapangyarihan mo'y hindi makapamayani. Hindi makapamayani, sapagka't +di pa sila nabubusog sa kanilang tayog at kadakilaan. Dapat lumaganap +sa lahat ang iyong lakas. ¡Masupil mo nawa ang sangkatauhan!... + +Noon ay papaalis na ang mga dalaw. Nang mapuna ng baliw ang pagyaon +ng ilang dalaga, ay maliksing hinigit ang kanyang watawat. Nagpugay +sa mga paalis, na anya'y: + +--Paalam mga dalaga ng lahi, masamyong bulaklak ng bayan. Dahil sa +inyong dilag ang libo mang buhay ay ipasasawi. Si Plorante'y naging +Plorante dahil kay Laura; si Ibarra'y naging Ibarra dahil kay Marya +Klara; ako naman ay magiging ako dahil sa kagandahan ninyo. Paalam +mga pangarap ng aking puso. Taglayin ninyo ang alaala ng inyong +sawing lingkod.... + +--Malambingin pa--ang saad ng isang nakikinig. + +--Parang hindi ulol--ang pasya ng iba. + +--Siya nga--ang ayon ng ilan. + +Nagpatuloy naman ang baliw; nguni't iba na ang uri ng isinasaad. Ang +tinig man ay tinig panambitan na: + +--Loleng ng buhay ko! ¡Dolores ng aking kaluluwa! Halika't pawiin mo +ang lungkot ng iyong alipin. Dahil sa kagandahan mo, tampok ng pagibig, +ako ay naging mamamatay. ¡Limang buhay ang inutang ko!... + +At naghinagpis ng: + +--Ay, kapalaran! ¡Napakadilim ng gabi na aking nilalamay! ¡Nakamatay +ako sa di kinukusa! ¡Kaibigang Artemyo, katotong Pastor, +kasamang Labadre, mga kulang palad na naparamay sa aking +kasawian!... ¡Simón! ¡Simón! ¡Simón! ¡Huwag kang mahapis diyan +sa bilibid! ¡Ang pagdurusa mo'y tanda ng iyong pagkamatapat na +katulong! ¡Sa gaya mo, buhay man ay maipagkakatiwala!... ¡Ang kayamanan +ko'y manahin mong lahat!... At magdiwang ka ng boong galak.... + +Nilagot ang salita sa halakhak. Nagpatuloy pa rin: + +--Ako si Beteng! ¡Si Silbestre Santos! ¡Limang buhay ang aking +inutang! ¡Apat ang inutas ko ng patalim at isa ang namatay sa takot sa +aking ginawa! ¡Kay Tomás ay ako ang pumatay! ¡Hindi si Simon! ¡Palayain +ninyo siya! Si Simón ay kinasangkapan ko lamang sa pagpatay. ¡Si Tomás +ang unang tinampalasan ng marahas kong loób! ¡Kay Artemyo, kay Pastor, +kay Labadre, ay ako rin ang pumatay! ¡Si kapitang Andoy man ay namatay +sa pagkasindak sa sakuna! ¡Ano pa't dahil din sa akin! ¡Oo; inaamin +kong limang buhay ang aking utang, kaya't ako na rin ang humanap +ng katarungan!... + +At tinapos ang talumpati sa: + +--¡Pagibig! ¡Pagibig! ¡Itangis mo ang mga sinawi ng iyong lakas at +kapangyarihan!.... ¡Dalaga! ¡Dalaga! ¡Alalahanin mo ang mga nalugmok +dahil sa iyong kagandahan!... + + + + + + + +X + +SA LAOT NG HAPIS + + +Tumatakas na noon ang tuwa at marahang humahalili ang lungkot. Ang +ilaw ng sangdaigdig ay sumisibsib na noon sa kalunuran. Iba't ibang +bikas at kulay ng ulap ang napapanood sa kaitaasan. Samantalang sa +lupa ang tinig ng panglaw ay namamayani na. Datapwa't lumalo pa sa +looban nila Dolores, doon sa halamanang kinakitaang natin sa kanya +noong siya'y nagaaliw at nagpapalipas ng isang mapanglaw na hapon. Oo; +doon ay lumalo pa ang lungkot; paano'y naroon si Dolores at dinidilig +ng patak ng luha ang kanyang alagang mga tanim. + +--Ay!--ang buntong hininga--¡Kay saklap ng buhay!... + +Tinutop ng dalawang palad ang kanyang mukha bago nagpatuloy: + +--Halos kahapon lamang ay kasalo at kaulayaw ko ang aking Ama, ngayon +ay na sa langit na.... ¡Kay pait gunigunihin! + +Tinapos sa isang masaklap at malalim na ¡ay!... Ang perlas na luha +ay naguunahang bumalong sa mga malas ng kaawaawa at sa di kinukusa +ay napatanaw sa kaitaasan. + +--Langit, oh, natungong langit.... Kung turan ng mga makata, ikaw ay +maawain. Kung sabihin ng mga maralita, ikaw ay mapagkandili. Nguni't +ang katotohanan ay inagaw mo ang boo kong kalwalhatian. Wala kang +inalabi sa akin kung hindi isang pusong nalulunod sa hapis at isang +pagibig na nabibilibid ng mga himutok. Sa ganap na pangungulila ay +tinatawanan mo ako, ngayon.... + +At tumungo, tungongtungo, na sa masidhing pananaig ng lungkot ay +napasandig sa puno ng kamuning. Noon ay may isang ibong nagparinig sa +kanya ng lalong mapapanglaw na dalit. Sa puso ni Dolores ay lalong +nagugat ang lumbay. Paano'y nagunita niya ang mga awit ni Artemyo, +si Artemyong artista, ang kanyang kapapanaw na giliw. + +Lumakad ang ulilang kalulwa at dumulog sa kanyang mga sampagitang +noon ay naghahandog ng kawiliwiling bango. Isa isang hinagkan ng +nalulungkot na dalaga. + +--Kayo, kayong mga sumaksi sa lihim ng buhay, kayong naging aliwan +ng aking giliw, halana, halana, aliwin ninyo ang ulila sa lahat ng +kaligayahan.... At tayo'y magsalong magalaala sa kanya.... + +Marahang pinuti ang mapapalad na bulaklak. Sa lumang luklukan ay +malungkot na naupo ang dalaga. Dito naglaro sa kanyang isipan ang +lalong maligayang dahon ng kasaysayan ng kanyang buhay sa pagka +binibini. Hinalungkat ng kanyang alaala ang hapong pagtatalik niya sa +galak. Noon ay araw ng Huwebes. Siya at si Artemyo ay kapwa pinalaya +ng palad. Ang kanyang ali ay nakatulog yata sa pangginge. Doon nga, +sa halamanang yaon, at sa luklukan ding yaon, sila ni Artemyo ay +lihim na sumumpa, sa harap ng kanilang dangal at sa ngalan ng kanilang +pagkatao. Ang mga puso nila ay kapwa ipinasulat na maging busabos at +ipinakilalang panginoon din naman. Ano pa't noon niya binitiwan ang +«oo» ng kanyang pagibig. At noon din siya pinangakuan ni Artemyo ng +lalong matamis na pagmamahal. Sa ikapagtitibay nito, ay isinanla sa +kanya ang isang singsing na hanggang ngayon ay nagniningning pa sa +kanyang mga daliri. + +--Singsing ng giliw ko! ¡Kaputol na ginto at batong +nagniningning! ¡Hiyas, na tanging pamana sa akin, ng aking panginoon +at buhay! ¡Lalong nadudurog ang puso ko, kung mapanood ka ng aking +malas! ¡Ang nakaraan ay ipinatatanaw mo at ibinabalik mo ako sa aking +kahapon! ¡Sa langit ka na tutubusin ng nagsanla sa iyo!... + +Tanda ng pagkalunos sa hiyas ng kanyang kasi, ay magiliw na hinagkan +ito. Kaya itinirik ang mata sa kalawakan at waring hibang na kinausap +ang bumihag sa kanyang puso: + +--Artemyo, bayaan mong alalahanin ka ng nagmamahal sa iyo.... + +Noon ay nagsipotsipot na sa kaitaasan ang mga hiyas ng gabi, ang +mga brilyante ng malapad na lambong ng dilim. At sa gitna ng gayong +kalungkutan, sa pamamayani ng alingawngaw, ay mga piping hibik na +¡ay! ang waring nahihigingan. Yaon ang hinagpis ng pusong sapupo ng +sakit, ni Dolores na di na mabata ang pait na ipinalalasap sa kanya +ng palad.... + +Kinabukasan, sa libingan sa Singgalong, ay dalawang babai ang +pumasok. Pusong busabos ng pighati, kalulwang alipin ng hapis, ang +kanilang dala. Kapwa luksangluksa, nagbabansag ng sakit na nilalasap +ng buhay. Marahang nagsisilakad at nakatungong tulad sa mga banal. Sila +ay si Dolores at si kapitana Martina. + +Si Dolores? Oo. ¡Si Dolores! Si Dolores Balderrama; ang tala sa daang +Sagat sa Pako, dalagang nakabighani sa maraming pusong palaboy ng +pagibig. Nguni't hindi na siya si Dolores na larawan ng ganda; hindi +na siya ang bituing kalaro ng kaligayahan. Siya ngayon ay si Dolores +na nagpipighati; ang dalagang yapus ng matinding biro ng kapalaran. + +Si kapitana Martina ang kasama? Oo. ¡Ang kapitana Martina! Ang mahal +na asawa ng nasirang kapitang Andoy. Datapwa't hindi na siya ang +kapitanang mapagsiste: matandang sa lagi na'y masaya. Siya ngayon ay +babaing sapupo ng lungkot, matandang ulila sa galak. + +Oh, panahon, kay dali mong magbago ng anyo! + +Noon ay hapong napakalungkot. Sa libingan ay ganap na nagdidiwang +ang pananahimik. Pamamanglaw lamang ang doo'y nakapangyayari. Ang mga +krus na tanda ng patay ang tanging tanod ng mga nagpapahingalay. May +mangilang ibong nagsisihuni, nguni't ¿ano pa? huning nakapagdadagdag +ng lungkot sa mga ulila ng pinakamamahal. + +Lumapit sila sa libing ni kapitang Andoy. Inilagak ang ilang bulaklak +ng biyoleta, na dinilig muna ng luha. Doon ay naiwang tumatangis si +kapitana Martina na pinagyayaman ang libing ng bunying kapitan. + +Si Dolores ay doon naman lumuhod sa harap ng krus ni Artemyo. Ang +bulaklak na dala bago inilagak ay hinagkan muna. Nauna pang pumatak +ang mga luha ng kaawaawa. + +Kay lungkot na panoorin! + +--Artemyo!--ang wika--¡Bayaan mong sa iyong pananahimik ay +paminsanminsang alalahanin ka, ng pusong di nakalilimot! ¡Naging +sawi ka man sa iyong palad, ay dakila ka naman sa alaala ng iyong +iniwan! ¡Diyan na! ¡Diyan na sa bayang payapa awitin natin ang tamis +ng pagibig!... ¡Ang kapalaran ay di matutulan!... + +At sa pisngi ng dalaga ay marahang umaagos ang mga patak ng luha; +mga luhang pangalaala... + +¡Kay tamis ng kamatayan kung gayon ang pagmamahal ng mauulila!... + + + + WAKAS + + + + + + + + KUROKURO AT PANSIN + + NI G. HONORATO H. DE LARA + + +Sa matalino at mayuming Bbg. Fausta Cortes. + + +Marangal na binibini: + +Matapos ko pong mabasa at manamnam ang unang supling na ito ng inyong +makisig na panulat; matapos kong mapagukulan ng mahabang pagwawariwari, +ay agad ko pong isinakamay ang aking pulpol na panitik upang boong +ingat na panalaytayin ko sa maputing papel ang napakalaki ninyóng +napithaya sa dahop kong kaya na katigan ng mga panghuling kurokuro ang +napakamahalagang aklat ninyong ito, ang AGAWAN NG DANGAL, na handang +iyalok sa lalong may pihikang panlasa, palibhasa'y pagkaing luto sa +inyong sariwa at mayamang isipan. + +Datapwa't, ¿paano po kaya ang aking gagawin, marangal na binibini, +upang makayari ng isang tunay na epílogo? + +¿Purihin ko na lamang po kaya ang pagkaing ito, at sabihin kong +masarap, at sagana sa mga kailangang sangkap, kahi't na may nalalasahan +akong anghang at pait? + +¡Inaakala ko pong hindi wasto ang gayon! + +Sapagka't ayon din po sa pasiya ng isang bantog na polemista, +kilalang mangangatha, tanyag na mananagalog at datihang mamamahayag +na si Inocencio Dilat (humigit kumulang) na, hindi anya kailangan +ng isang epiloguista ang sabihing ang aklat na ito (halimbawa) ay +mainam, may dakilang layong mag-alis ng piring sa mata ng hangal, +may maningning na mga pangungusap, sagana sa mga palaisipang malalim, +busog sa mga pantas na pagkukuro at mayamang mayaman sa pananagalog na +tabas Balagtas, sapagka't anya'y isang kalabisan. Ang isang epiloguista +ay katulad din anya ng isang crítico, magpasiya at turulin ang isang +bagay na kamalian, bago suriin at hatulan, alalaon baga'y punahin +ang mali bago itumpak at ilagay sa dapat kalagyan. + +Nguni't ... ito nga kaya ang tunay na epílogo? ¡Iyan ang hindi +ko mataya! + +Datapwa't ... para kay Inocencio Dilat ay ganiyan, ganiyang ganiyan. + +At ... ipalagay na po nating ganiyan na nga. Punahin ko ang lahat +ng kamalian; sabihin kong namimilipit ang inyong mga pangungusap; +minsang madapilok sa paglalarawan ng lalong mga kailangang ibadha +ng inyong panitik; may mga pangyayaring madilim, malabo; may mga +bigkasing kayong hawig sa wikang kastila ó ingles, ó ang gayon at +ganito ay di mangyayari, anopa't ang lahat ng kamalian ay isa-isahin +kong turulin, suriin, punahin, bago itumpak, at... iwan ang dapat +suubin ng kamaniyang, ang dapat purihin, ang dapat itampok sa lalong +napakatayog na karangalan, alalaon baga'y sabihin kong mapakla at +hilaw ó kaya'y mapait at maasim ang inyong ipinalasap na ito sa ating +mga mambabasa, gayong ang katotohana'y, sa kabila naman ng lahat ng +iyan ay mayroong nalalasahang tamis, sarap, linamnam, ay ... ¿ano po +kaya ang wiwikain ninyo sa akin? + +¿Hindi po kaya mangunot ang inyong noo at sabihin na ako'y masamang +epiloguista, kung epiloguista na ngang matatawag kahi't birobiro ang +abang kaliitan? + +¡Oh!.. kay laki ng inyong napita; pagkalakilaki... At sa kalakhan, +ay hindi ko po tuloy matutuhan kung paano ang aking gagawin upang +mapaunlakan ko kayo sa inyong hiling. + +Sapagka't ... ang wika nga po ng isang mangwawagi't bantog na +makata at balitang manlilinang sa napakatamis na wikang ginamit ng +ating haring si Balagtas, sa kanyang walang kamatayang Florante at +Laura, na si Itang Balbarin, na tubo sa mapalad na libis ng bundok +ng Samat, na siyang kinakitaan niya ng unang liwanag ng araw, na: +ang isang epiloguista raw po ay hindi dapat mamuna ni maglahad ng +ano mang tutuntunin sa pagsulat, sapagka't, ang isang epiloguista ay +kaibangkaiba anya sa isang crítico. + +¡May matwid! + +At, kung ganito nga ay ... ¿paano po kaya ang dapat kong gawin o saang +landás ako tutungo upang makayari ng isang wastong panghuling salita? + +Para kay Inocencio Dilat ay di wastó ang ganito... + +At, para kay Itang Balbarin naman ay lalong di tumpak ang gayon. + +¿Alin kaya ang dapat paniwalaan sa kanilang dalawa? ¡Kay laking +suliranin! + +At ... sa suliraning iyan ay para ko pong nakikinikinita sa dalawang +bantog na manunulat na iyan, na darating ang isang pagkakataong +maguunawaan din sila; pagtatapisin ang kapwa nila matwid sa pamamagitan +ng pagpipinkian ng kanikanilang mga panitik sa larangan ng digmaan +ng literaturang tagalog. + +Nguni't samantalang tayo po'y nagiintay at upang ako'y makatupad sa +inyong napithaya ay wala po akong ibang gagawing batayan sa epilogong +inyong hinihingi kundi, ang sinabi ng kataastaasang Pangulong Wilson, +na, anya'y: justicia y nada mas justicia. + +Sa makatwid ay wala kayong sukat maintay sa akin, marangal na +Bbg. Cortes, kundi ang dalawang bagay: purihin ang dapat purihin, +at, punahin ang dapat punahin. + + + +¡Kurokuro! + +Ang aklat mo pong ito, Bbg. Cortes, ay isang aklat na tangi sa may +layong mag-alis ng kulaba sa pangmalas ng mga hangal, magakay sa lalong +may bulag na pagkukuro, nakapagtuturo pa rin sa ibang kadalagahan, +diyan sa mga dalagang dahil sa kinang ng salapi ng sa kanila'y +mamintuho, ay nalilikhang sapilitan ang pag-ibig at di inaantay ang +kusang tibok ng kanilang puso. + +Sa loob nga ng AGAWAN NG DANGAL ay parang namamalas ko pa +hanggang ngayon ang animo'y mga larawang buhay na nagsisigalaw: +ang magandang Dolores; ang mapalad na si Artemio; ang mapagsisting +si kapitana Martina; ang antukin at matatakuting si kapitang +Andoy; ang mabuting tao, nguni't masamang kristianong si Simon; +ang matapat at walang kasingbuting katoto, ang may diwang Tasio, +sa Noli ni Rizal, na si Pastor; ang mapagpansin na si Labadre; at +... ang nakatatawang pagkahuli ni kapitana Martina sa isang batang +sisilipsilip ng nag-aagahan na si Beteng, yaong si Beteng na walang +tanging ipinangahas mula't mula pa kundi ang kanyang kayamanan, +ang kanyang pilak, sa pangingibig sa mayuming si Dolores, na siyang +gumanbala ng kanyang isip, diwa't pagkatao. + +Ang nakakapanaghiling kapalaran ng artistang si Artemio, si +Artemiong kapangpangan, ang wika nga ni Beteng, yaong si Beteng +na hindi makapaglakbay sa lupang pangako, kundi may kasama; hindi +makapitas ng ibinabawal na bunga ng mansanas kung walang hagdanang +matutungtungan, ay maging mabisa sanang tampal at matinding hagupit +sa ilang mga lalaking kung walang tulay ay di makapangibig sa isang +himala ng ganda, sa isang Venus. + +Si Dolores, ang kapatid na bunsong ito, ni Maria Clara, sa Noli Me +Tangere, ni Meni, sa Banaag at Sikat, ni Celia, sa Florante at Laura, +at ni Ligaya sa ¡Kristong Magdaraya! ay pinaglupaypay ninyo ang matigas +na puso sa darang ng maalab na pag ibig; pikitmatang pinatalaktak +ninyo sa kaharian ni Kupido at pinahintulutan din ninyong magpamalas +sa masinsing tabing ng pagkukunwari sa kanyang hinahangaang binata, +sa umagaw ng kanyang pananahimik: kay Artemio. + +At talagang ganyan nga po ang dapat ninyong gawin, marangal na +binibini, upang magkaroon ng naturalidad ang isang pangyayari na, +hindi gaya ng iba nating mangangatha na sa pagnanasang huwag masinagan +ng bahagya mang gaspang ang isa sa mga kumakatawan ng kanilang aklat, +na sapagka't binigyan na nila sa una ng mga caracter na mahinhin, +mayumi ay pakapipilitin patain ó inisin ang itinitibok ng puso. + +At upang patotohanan kong minsan pa sa inyo, na talagang hindi +kamalakmalak na mangyari ang inyong ginawa na sa kahinhinan at kayumián +ni Dolores ay paibabawin ninyo ang kagaspangang nililikha ng pag ibig +ay ipahintulot ninyong sipiin ko rito ang matwid ng ating Balagtas +sa kalakhan at kadakilaan ng ating tinutukoy: + + + Oh! pagsintang labis ng kapangyarihan + sampung magaama'y iyong nasasaklaw, + pag ikaw ang nasok sa puso nino man + hahamaking lahat, masunod ka lamang. + + +¿Ano ang nangyari kay Beteng? + +Humigit kumulang na sinasabi sa aklat ninyong ito, na siya, si Beteng +ay wala ng sinikap sa gabi't araw ó sa lahat ng sandali, kundi +ang ikalulukso ng dangal ng umagaw sa kanyang langit, sa kanyang +paraluman. At, di nga inaksaya ni Beteng ang mahabang panahon at +karakarakang isinagawa. Inanyayahan isang araw ang dalawa niyang +kaibigan, si Simon at si Pastor at isinangguni ang kanyang maruming +nais; datapwa't anong tiwaling pagtitiyap at sa isip at diwa nitong +huli, kay Pastor ay itinanim ninyo, ang damdaming Delfín, ang pusong +Felipe sa "Banaag at Sikat" ng makatang Lope, na sa harap ng matatalim +na upasala at marungis na adhika ni Beteng, ay di ninyo pinapagtagal +ang puso ni Pastor, pinapanalag ninyo sa mga ulos at taga ng mga +kaaway na lihim ng kanyang kaibigan. + +At sunodsunod ninyong isinabibig ni Pastor ang ganitong pangungusap, +sa tulong ng kanyang dilang walang pangiming magsabi ng katotohanan: + +"Mga kaibigan, huwag ninyong hamakin ang kanyang lahi. Kapangpangan man +at tagalog ay iisa ang uri, at ang sumira ng pag-iisang iyan, ay yaon +ang taksil na dapat pangilagan. Ang taong pumapatay ng pag-dadamayan +ng pilipino ay yaon ang kalaban ng bayan. Ang kaluluwang nagtatanim +ng pag-iiringan ay siyang uod na sumisira ng laya at pag-asa ng lahat". + +¡Anong ningning ng pagkukuro ni Pastor! + +At... nakaramdam ng kirot ang dalawang pinagsabihan... + +"Hindi mga kaibigan--ang ganti ni Pastor--kailan ma'y di ko magagawa +ang sumugat sa kapatid. Nguni't, oo; makikipaglaban ako sa kanino mang +nagbibinhi ng pag-iiringan. Ang buhay ko'y aking itinataya lubha pa't +ang pag-iiringan ay ipupunla dahil lamang sa inggit sa isang lalaking +kinakandong ng palad..." + +¿Ilan kaya sa mga kababayan natin, Bbg. Cortes, ang makapagtataya ng +buhay sa pagtatanggol ng matwid ng isang tao? + +¡Kay dakila ng inyong paghahaka! + +Matapos magpaalaala ang baliw na si Beteng kay Pastor, na ito'y nasa +ibang bahay, ay para ko pang nakikinikinitang nakangiti at hantad +ang noong sumagot: + +"Sa bahay na pinaghaharian ng dilim ay doon ko dinadala ang ilaw". + +Pagkatayogtayog po ng kurokuro ninyong ito, Bbg. Cortes, na sa +pamamagitan ng kaunting salita lamang ay halos niyayanig ninyo ang +budhi ng mapagdunongdunungang mga hangal. + +Ang dalawang katalo ni Pastor ay lalo ninyong pinagpuyos ang kapootan. + +Ipinagtabuyan si Pastor, nguni't pangiti ring sinabi: + +"Dapat ninyo akong itaboy; dapat ninyo akong turang ulol: sapagka't, +ang gurong nagtuturo ay talagang kalaban ng mga musmus na tinuturuan." + +Sa harap ng ganyang maigting na pagwawariwari ni Pastor, ay tahasang +masasabi ko Bbg. Cortes na ang inyong baguhang panitik ay karapatdapat +maisapiling ng lalong mga tanyag at dakilang mga manunulat natin, +sapagka't minsan pa ninyong ipinakilala ang mataos ninyong paggalang +at pagmamahal sa wastong matwid. + +Si Pastor ay nilakipan ninyo ng kislap ng sosialismo ng mga banal na +aral ni Tolstoy, Jaurès at iba pa, na, siya ninyong nais matutuhan +ng ating mga kababayan. + +Kusa kong iniwan at babayaan na, marangal na binibini, ang nakaiinggit +na lambingan ng dalawang pusong bihag ng pagibig: si Dolores at si +Artemio. Hindi ko na po paguukulan ng kurokuro ang kadalisayan ng puso +ni Dolores na hindi maalam masilaw sa kinang ng salapi at sa hibo ng +kisig. Kusa pong di ko na gagalawin o paguukulan pa ng mga wariwari +ang kasiglahan ng handa sa kaarawan ni Dolores, maging ang kasanayan +ninyang tumugtog ng alpa; maging ang kalunoslunos na hinangganan ng +masayang handaan sa bahay ng ating dalaga; ang di ninyo paglimot sa +paglalarawan ng mga kagandahan ng mga bituin ng "Kami Naman" na dumalo +sa naturang kasayahan, palibhasa'y ang lahat ng iyan ay inaasahan +kong sapat nang makapagudyok sa lahat ng makababasa ng aklat na ito, +upang putungan kayo ng walang katapusang pagpupuri. + +At, ¿kung alinalin ang aking isasakarurukan ng lalong kapurihan? + +Wala pong iba Bb. Cortes kundi ang kinawilihan ko ngang paghahaka +ni Pastor, na busog na busog ng pagibig sa kanyang mga kababayan, +at ... ang mga pangungusap ng baliw na si Beteng ng siya'y napipiit na. + +Sa ikaapat na kabanata, sa pangkat na naglalarawan ng boong +pagsisigasig ni Pastor, sa pagdamay sa kanyang kaibigang Artemio at +sa harap ng mga manunugtog na ipagpaparangal ni Beteng ay natunghayan +ko na naman, matapos ang ilang paliwanag ang lalong dakilang kurokuro +ni Pastor: + +"Narinig na ninyo--ang saad ni Pastor na linawin natin: hindi raw +dapat bigyan ng tungkulin ang isang dapo. Katwiran, nguni't ¿bakit +nila natitiis ang mga dapong naghahari sa ating bayan? at ¿dapo ba si +Artemio? ¿Ano kung kapangpangan siya? ¿Hindi ba pilipino rin? ¿Maaari +bang magsarili ang tagalog na ang kapangpangan ay hindi? ¡Napakarupok +na pagkukuro! Ang masasabi ko'y nakikilala ang dapong kapatid din +nila, datapwa't hindi nila nakikilala ang tunay na dapong dito'y +tumawid. [...] Ngayon at kalahi ay halos sakmalin. Nguni't kung maputi +kahi't na lumapastangan, ay nginingitian din. Sinusurot, dinuduro +at pinamumukhaan ang kabalat subali't ang dayo ay saka lamang mamura +kung nakatalikod". + +Kay sakit mo pong susugat Bbg. Cortes. Nguni't inaakala kong kailangan +ngang ang mga bulok at uod na makasisira sa mabulas na pagkakaisa ay +isa isang lasunin. ¡Patain! + +¡Magbinhi nawa ang inyong magandang adhika! + +Sa gitna ng pagtataka ng hindi mabilang na mga manggagawa sa bahay +palimbagan ng pamahalaan na nakuwarentenas dahil sa sakit na di +umano'y dipterya, sanhi sa pakakapag-abuloy sa lahat, kasapi at di +man ng malusog na Samahang Kami Naman ay para ko pang nariringig +magpahangga ngayon ang matalinghagang mga pangungusap ng isang ulol +na sagana sa mga katotohanan. + +At sa wakas ng kanyang maniningning na sinabi, sa huli ng kanyang mga +pangarap sa sinasapit ng ating bayan, at pagkakaagwat ng kapalaran ng +mayaman sa mahirap, ng pagkakalayo ng mahirap sa mayaman, ay di ko +malirip magpahangga ngayon po, Bbg. Cortés, kung bakit naisipisipan +ng ulol na si Beteng ang maglawit ng isang panyo at bago sinabi ng +makita niyang pinapaspas na ng hangin: + +"¡Hayan ang watawat ng pagsuko! ¡Hayan ang sagisag ng +pananahimik! Batiin ninyo at igalang. Mahalin ninyo at ibigin. Kung +iyan ang ating ilaladlad sa gitna ng digmaan ay unahan tayo ng +paghawak. Datapwa't kung pula, tanda ng paglaban, ay magtuturuturuan +tayo. ¡Magdarayang tapang!" + +Subali't sino kaya ang pinatatamaan ng ulol na si Beteng? + +Kundi ako namamali, ay walang iba kundi ang ibang mga kababayan nating +matatapang sa bibig nguni't wala sa gawa. + +¡Napakasasakit na pangungusap! + +Ang aklat mo pong ito, Bbg. Cortés, ay inaasahan kong sa kahalagahan +ng layunin ay magiging isang bagong tipan na ikapagbabago ng likong +kaugalian ng marami. Mga pansin: + +Bbg. Fausta Cortés: Itulot mo po naman ngayon na ilahad ko ang aking +mga puna. + +Tulad sa akin ng sinabi, na hahalunkatin ko't ibubunyag ang dapat +purihin at ukol punahin, ngayon ay magtatapat ako sa aking pangungusap. + +At, magsimula tayo. + +Pagkarinig ko ng pamagat ng aklat na ito na AGAWAN NG DANGAL, ay +kumilos na sa aking guniguni ang larawan ng pag-aagawan sa katungkulan +ng ilang kapatid nating araw-araw ay nagbabangay. Inakala ko na't +hinulaan na yaong pag tutunggali ng mga taong gumugulo sa ating bayan +ay siya ninyong pinuna. Ang isip ko'y humula ng dalawang pangyayari, +at boong boo ang aking pananalig na hindi sasala sa alin man sa +dalawa kong akala, ang inilahad ninyo. Kung hindi ang nakahihiyang +pag-aagawan sa karangalan ng ating mga politico ay walang salang +ang ligalig sa mga halalan ang inyong tinuligsa. Ganyan ang boo kong +sapantaha at marahil ay siya namang sasapantahain ng iba. Datapuwa't +¡kay laking pakakamali! ¡Agawan pala ng dalawang puso sa isang pain ng +pag-ibig! Hindi ko po sinasabing malayo ang pamagat sa laman. Hindi +po, sa pagka't nalalaman kong may mga taong iba ang pangalan sa +asal. Lamang ay ipinagtatapat kong sumala ang aking hula. + +Sa lahat ng dahon ng AGAWAN NG DANGAL ay pawang makabagong +pananagalog ang aking napuná. Sa kabaguhan ay mayroong mga talatang +nagkapilipilipit ang pagkasalaysay. Aywan ko lamang kung sinadyáng +pinaikot ng masiglang panulat ninyó, Bbg. Cortes. + +¿Kung alin alin? Na itó po: + +"Ang maayos na tabas ng mukha ay napapatungan ng maiitím na buhók". + +Paano po kaya ang bikas ng mukháng yaón? ¡Napapatungan ng maiitím na +buhok! ¡Ina ko, kakilakilabot! Marahil ay sumusunong ng maiitim na +buhók at di napapatungan. (Maalaala ko pala.) Hindi rin masasabing +sumusunong at lalo nang hindi napapatungan; sapagka't lalabas na si +Dolores ay panot, paano'y sunong o nakapatong lamang pala ang buhok... + +Iba naman: + +"..... sinungkit ..... ang mantekilya....." + +¿Sinungkit? ¿Baka po kinahig? At kung ang sinungkit dito ay hindi mali, +ay huwag naman kayong tumawa na sabihin kong "nginalot ang tubig." + +Isa pa: + +"Tumayo sa mesa....." + +¿Tumayo sa mesa? ¿Saan tumayo: sa ibabaw po ba ng mesa? ¡Sus! ¿Si +Dolores, ang mayuming dalaga, ang kaluluwa ng kasaysayang ito, ang +tatayo sa mesa? Hindi mangyayari. Bakit noon ay kasalukuyan pa namang +sila'y nag aagahan. Baka mayroon pang lalong tumpak na masasabi ang +Bbg. Cortes, ay siya sana nilang ginamit. + +Ganito at iba pang gaya nito ang sinasabi kong mga nagpandanggong +pananagalog na makabago. + + + +Pagtutuos: + +Anhin ko man pong punahin ang mga katangían ng dakilang panulat ninyo, +binibining Cortes, ay lagi ring nananaig sa aking diwa at isipan ang +mga banal na layuning tinutungo ng inyong akda. Ang mga pansin na +aking pinuna ay nagiging parang guhit na itim lamang sa isang malapad, +matibay, marilag at napakapinong habi na niyári ng inyong bago nguni't +magiting na panitik. Anopa't nakapagdadagdag lamang ng kainaman ang +mangilangilan ninyong bagong ayos ng pananalaysay, sa mahalagang aklat. + +At upang patotohanan ay napapakagat-labi ako sa katalinuhan ninyo na +makapagsabi ng: + +".....ang mahihirap ay magkakapatid na lahat. Kung paanong ang +mahirap ay walang bayan, ay gayon din na walang lipi. Bayan niya ang +Sangsinukob at lipi niya ang Sangkatauhan....." + +Sa inyong matataas na isipang iyan ay kabilang ako sa mga humahanga +at hahanga sa inyong panulat. + +At talagang marunong kayo sapagka't marunong kayong magpahesus sa +inyong aklat. Niwakasan ninyo sa taimtim at kalugodlugod na pagmamahal +ni Dolores kay Artemio. Sinabi pa ninyong: + +"¡Kay tamís ng kamatayan kung gayón ang pagmamahal ng mauulila!..." + +Akó man po, Bbg. Cortes, ay makapagsasabi rin at talagang nais ko na +rin ang mamatay kung may isang Dolores na tatangis sa aking pagyaón.... + + +Honorato H. de Lara. +Taga "Ilog-Beata." + + + + + + + + KASAYSAYAN + NG + "KAMI NAMAN" + + + + + + + + Aklatan ñg "kami Naman" + + BAKAS ÑG SAMAHAN + + Ó ang unang + bahagi ñg kasaysayan ñg + + "KAMI NAMAN" + + (Samahan ñg mahihirap) + + Sapul sa pagkatatag + hanggang sa wakas ñg + pamamahala ni G. A. de + los Reyes + + Sinulat ni + + Bb. Gorgonia de Leon + + Ika apat na aklat ñg aklatan ñg + + Kami Naman + Lupon ng mga Manunulat + + (1915) + + Aklatan ñg "Kami Naman" 1045, Daang Anak ñg Bayan (dating + "Crematorio"), Pako, Maynila, K. P. + + + + + + + +PAUNAWA + + +Ang aklat na ito ay nilimbag sa dalawang ayos: nilimbag na kalakip ng +"Agawan ng Dangal" at nilimbag na may sariling balat ó takip. Sino +mang magnais na magkaroon ay makabibili sa mga bilihan ng aklat dito +sa Maynila, sa halagang isang peseta (P0.20). Ang mga na sa lalawigan +ay makapagbibilin sa Aklatan ng "Kami Naman" sa halagang kahati +(P0.25). Ipalilimbag din ang pangalawang bahagi at magtataglay ng mga +larawan; gaya ng larawan ni G. Apolonio Umping, G. Paulino Centeno, +at iba pang may halaga sa "Kami Naman". + + + + + + + + BAKAS ÑG SAMAHAN + + O ANG UNANG BAHAGI ÑG KASAYSAYAN ÑG + + "KAMI NAMAN" + + (SAMAHAN ÑG MAHIHIRAP) + + SAPUL SA PAGKATATAG HANGGANG + SA WAKAS ÑG PAÑGUÑGULO NI + G. ANGEL DE LOS REYES. + + Sinulat ni Bb. Gorgonia de Leon. + + +Noon ay ika 25 ng Agosto ng 1912. Sa umagang yaon ay isang +panahong tagulan ang nagisnan ng mga taga Pako. Ang liwanag ng +ilaw ng sangdaigdig ay di mang makagitaw sa makapal na ulap sa +pangonorin. Nabigo ang mga ibong sa tuwing umaga'y nagpupuri sa bagong +liwayway. Walang nasisiyahan sa mga sandaling yaon kung hindi ang +mga bulaklak na nagpapakasawa sa ulang hindi tumitila. Noon nasiyahan +ang kanilang uhaw. ¿Ilan kayang puso't kalulwa ang sumusumpa noon sa +panahon dahil sa pagkapinsala ng kanilang tipan? + +Datapwa't nagmasungit man noon ang panahon, ay may isang binatang +nagtatanghal ng kanyang kagitingan. Siya ay si G. Francisco V. Dizon, +kawal ng bagong kabihasnan. Siya ang lalong nagsikap na magsabog ng +liwanag ng araw ng sigla ng kabataan sa nayon ng Sapote sa Pako. Ang +ulan ay di niya ikinabalino, bagkus sa pamamagitan ng isang payong ay +isa isang sinusundo ang kanyang mga kaibigan upang magtulongtulong +sa pagbalangkas ng isang Samahan. Ano pa't walang alinlangang dapat +sabihin na utang sa kanya ang kilusang yaon ng kabataan. + +Sa isang tahanan sa nayon ng Sapote, Pako, Maynila, ay doon nagkatipon +ang ilang magkakapanalig. At sa pangungulo nga ni G. Dizon, +ay sumipot sa silong ng langit ng Pilipinas ang isang bigkis ng +kabataang pilipino. Sa mungkahi ni G. Luciano Suarez ay bininyagan ng +"Kabataang Sikat". At, palibhasa'y pawang tinitibukan ng isang pusong +uhaw sa dunong at aliw, ang mga nagkakatipong yaon, ay «magpalakas at +magpatalino» ang pinagsaligan ng pagkabuo ng Samahan. Aralan ang mga +pinagkaitan ng ilaw ng dunong at aliwin ang mga ulila sa ligaya, iyan +ang tanging layon. At sa gayon ay nayari ang balak ni G. Dizon. Dapat +alalahaning kinabukasan ng araw na yaon, ay siyang ika 26 ng Agosto, +araw na napakaningning sa dahon ng kasaysayan ng Pilipinas, sapagka't +siyang araw ng unang pagsigaw ng kalayaan ng bayang api ng kapwa bayan. + +Nang sumunód na Linggo, unang araw ng Septiyembre, ay nagpulong na muli +ang mga nagsisigasig sa pagbangon ng "Kabataang Sikat". Sa mungkahi +ni G. Angel de los Reyes, ay binago ang pamagat at pinalitán ng "Kami +Naman". "Kami Naman" ang ipinamagat, sapagka't sa ibabaw ng kalansay ng +mga samahang nabuwag na, ang ibig sabihin ay "Kami naman ang magtutuloy +ng layong itaguyod ang buhay ng mahihirap sa tugatog ng dangal".... + +Katulad din ng ibang mga Samahan at Kapisanan ay inabot ng sakit +na ningas-kugon ang "Kami Naman". Salamat sa ilang matatalinong +manggagamot at ang sakit ay naihanap din ng lunas. Baga man ang "Kami +Naman" noon ay para ng bangkay na malamig, dahil sa pagpapabaya ng +ilan, ay muling sumigla. At noong ika 19 ng Oktubre ng taong 1912 rin, +ay nagbitiw ng tungkulin si G. Francisco V. Dizon at si G. Angel de +los Reyes ang napahalili, na naging Pangulo ng Samahan. + +Ang bagong pangasiwaan ay nagpahayag noon din ng bagong palakad at +binago na pati ang layon ng "Kami Naman". Boong puso namang pinagtibay +ng lahat at sinalubong ng magiliw na palakpakan. + +Ang mapanglaw na daing ng mahirap, ang malungkot na taghoy ng api, +ang malumbay na hibik ng mahina, iyan, iyan ang nagbukas ng bagong +isipan sa puso at diwa ng bagong Pangulo. Binago nga ang dating saligan +ng Samahan. Ang layong magliwaliw at magpatalino ay dinagdagan ng +pagdadamayan. Sa gayon, ay hindi pawang kabataan lamang ang yumakap sa +"Kami Naman", kung hindi sampu ng may mga gulang na ay nakitulong. + +"Buhayin ang naghihingngalong pagkakapatiran" ang naging saligan na +ng "Kami Naman". At ang naging pananalig ay "Ang hirap ay bunga ng +kapabayaan, at na sa tiyagá ang pagtatagumpay". + +Kapalaran mandin ang siyang sumubaybay sa bagong pangasiwaan at ng +sumunod na Sabado ng pagkahalal sa kanila ay nagtanyag na ng kanilang +di karaniwang lakas at magagawa. Sa bahay paaralan sa daang Dart, +Pako, ay ginanap ang pagtatanghal ng Samahan. Sa lamayang yaon +ay may apat na raang tao ang dumaló. Ilang matatalino at litaw na +mananalumpati ang nagpaningning sa pagdiriwang. (Ang buong tala ng +kasayahang yaon ay matutunghayan sa pangalawang aklat ng Aklatang +"Kami Naman" na Tuntunin ng Pulong.) + +Dahil sa bagyong nanalanta sa Sebú noong Oktubre ng 1912, ang "Kami +Naman" ay nagsimula ng pakikisama sa bayan. Binahaybahay na tinawagan +ang maawaing pusó ng pilipino sa Sapote, at lumikom ng isang halagang +iniabuloy sa mga nasawi. At dahil sa pagkamatay ng ilang angkan ng +mga kanayon na kapwa anak-dalita, ay dumulog na naman ang "Kami Naman" +sa bahaybahay upang abuluyan ang kapatid na dinatnan ng palad. Dapat +talastasing ang mga unang inabuluyan ng "Kami Naman" ay mga taong ni +ayaw man lamang makiyakap sa Samahang ito. + +Sa ikapapaanyo ng damayan ay bumalangkas ng mga batas na susundin ng +magkakapatid; at mula ng unang araw ng Disyembre ng 1912 ay nagsimula +sa pag-iral. Marami rin ang mga namatay at namatayang mga kapatid. Sa +malinis at maselan na pangangasiwa ng Ingatyamang si G. Dario Malonzo, +lahat ay pawang tumanggap ng abuloy na nararapat. Walang nabinbin sa +kanyang karapatan, bagkus ang lahat ay pawang nagtamo ng nauukol sa +kanila sa lalong madaling panahon. + +Dumatal ang ika 30 ng Disyembre ng 1912, araw na ipinangingilin ng +lahat ng pilipino. Ang "Kami Naman" at ang nayong Sapote ay nagtuwang +sa pagbubunyi sa lalong dakilang taga Silangan. Nagdaos ng isang dulang +hayag, nagkaroon ng tugtugan, nagilaw ang boong nayon at nagtayo ng +mga arko. Ang lalong kapunapuna ay ang pagiisa ng nayon na pawang +parol ng "Kami Naman" ang ginamit. At natapos sa ganap na kasyahang +loob ng lahat. Ang salaping lumabis sa pagdiriwang ay inihandog sa +"Kami Naman" ng kapulungan ng nayon, na parang ganting pala sa maayos +na pangangasiwa sa pagdiriwang. + +Sumunod na ibinunsod ng Samahan ay ang balak ni G. Marcelino Dizon na +lumikom ng isang kusang ambagan upang ibili ng kasangkapang pang-apula +ng sunog. Nakatagpo ang balak na ito ng mga balakid at binaka ng +ilang di nasisiyahan. Gayon man ay pinangatawanan din ng Samahan at +nakabili rin ng mga palakol at timba na magagamit karakaraka sa isang +simula ng sunog. Hanggang ngayon ay nakatanghal at nakahanda ang mga +kasangkapang ito sa nayong Sapote. + +Ang munisipyo ng Maynila ay siya namang hinarap ng "Kami +Naman". Sunodsunod na daing at kahilingan ang iniharap upang ang nayong +kinatatayuan ng Samahan ay ipaayos. Pinilit na maglagay man lamang +ng gripo, sapagka't noon ay nagkakahalaga ng anim ó limang sentimos +ang bawa't dalawang timba ng inumin sa pook na yaon. Bihirang linggo +ang walang panawagan sa pitak ng pahayagan sa Maynila. At humangga +sa paglalagay nga ng gripo at pagtatakda ng pamahalaan ng apat na +libong piso sa ikaaayos ng nayon. Ito ang lalong malaking tagumpay +na tinamo ng "Kami Naman". + +Upang iligtas sa sakit ang mga kanayon dahil sa malabis na paglulusak +sa pook ng Sapote, ang "Kami Naman" ay nagtayo ng mga tulayang kawayan +sa tulong ng nayon. + +Nang hakutin ng mga sanitaryo ang mga kawani sa Limbagan ng +Pamahalaan at kulungin sa Pagamutang San Lasaro, dahil sa mikrobyo ng +dipterya, ang "Kami Naman" ay siyang tangi at kusang umabuloy sa mga +napinsalaang yaon. Wala ni isang kasapi sa "Kami Naman" na napalahok +doon, datapwa't ginawa ang pagdamay sa paniniwalang magkakapatid na +lahat ang mahirap. At ito'y tinugon ng di gagaanong pasalamat ng mga +dinamayan. Noon ay Marzo ng 1913. + +Sa gayong mga ipinakisama ng "Kami Naman" sa bayan ay marahang +sumusungaw ang kanyang kabantugan. At lalo pang nabantog siya +pagkatapos ipagbunyi ang ika isang taong buhay ng Samahan. Paano'y +dalawang araw na ginawa ang kasayahan: ika 13 at ika 14 ng Septiyembre +ng 1913. Nagbukas ng timpalak ng mga dula at gilasan ng artista, +na siyang kaunaunahang timpalak na may ganitong uri na idinaos sa +sangkapuluang Pilipinas. Nagdaos pa ng isang misang alaala sa lahat ng +mga kasaping nangamatay sa ilalim ng watawat ng "Kami Naman". Nagkaroon +ng binyag at kumpil at maghapong mga palaro. Ang nabantog na banda ng +Meralko ay siyang tumugtog. At tinapos ang kasayahan sa isang magiliw +na salosalong kapatid. Alinsunod sa mga pahayagan dito sa Maynila +ay mahigit na apat na libong tao ang dumalo sa mga pagdiriwang na +yaon. Dapat namang magkatotoo, pagka't may mga nagtayo pa ng mga +tindahan at lahat halos ng tahanan sa Sapote ay may kanikanyang +handa. Ano pa't ang pagdiriwang ng "Kami Naman" ay naging parang +pista ng nayon. Sapul na noon ang "Kami Naman" ay nabantog na ng +gayon na lamang at ang lalong nakatawag sa diwa ng marami ay ang mga +kartelong nagsabit sa trambiya na nagbansag ng kasiglahang ipamamalas +ng "Kami Naman". + +Ang isa pa sa mga pagdiriwang ng Samahang ito na hinangaan din ng madla +ay ang pagtatanghal ng mga "Bituin" ng "Kami Naman". Ginanap noong +ika 21 ng Disyembre ng 1913, sa Dulaang Angel sa Singalong. Mahigit +sa tatlong libong tao ang nanood. At noon ay minsan pang itinampok +ang mayamang uri ng mga babaing pilipina. + +Sa mga pamamahayag ng bayan ang "Kami Naman" ay palaging nakikilahok; +nguni't pakikilahok na di sa gayongayon na lamang, kung hindi +pakikilahok na kapunapuna; yaong nakapagpaparingal at umaani ng +papuri. Kung walang karrosa ang "Kami Naman" ay nakalulan naman +sa sasakyan ang kanyang mga kinatawan. Datapwa't hindi sa iisang +sasakyan lamang kung hindi sa pito o labing apat kaya. At sa loob +ng dalawang taon ay labing dalawang ganting pala ang tinamo ng +"Kami Naman". ¿Ano pang sigla ang hahanapin? ¿Ano pang kilos ang +magagawa? Wala na. Hanggan diyan na lamang talaga ang isang samahan. + +Kasabay ang pagsisigasig na magtamo ng lalo at lalong karangalan, ang +"Kami Naman" ay nagpapakatatag sa kanyang tayo. Inakala ng Pangulong +De los Reyes na ang pagkakaibaiba ng hilig ng mga kasapi ay dapat +tapatan ng kanikanyang ikasisiyang loob. Dahil dito ay binahagi niya +ang "Kami Naman" sa iba't ibang Lupon na may kanikanyang uri, layon, +pananalapi, at mga kaanib. + +Ang unang Lupon ay ang Damayan. Magabuloy sa namatay o namatayang +kasapi ang layon. Lupon sa Kalakal ang pangalawa at nagsimula ng +pagkilos noong Pebrero ng 1913. Disyembre ng 1913 itinatag ang Lupon ng +mga Bituin na binubuo ng pawang mapanghalinang binibini. Sila ay mga +kasaping pangdangal sa "Kami Naman". Disyembre ring yaon ng itatag +ang Lupon sa Pagpapalakas. Bago sumipot ang masikap at masiglang +Lupon ng mga Manunulat. + +Lahat ng lupon na ito ay nagtanghal ng kanikanyang lakas at +magagawa. Bawa't isa'y naghandog ng matatayog na papuri sa boong +Samahan. At sa lubos na paghanga ng isang kasapi sa "Ilog Beata" +sa kakisigan ng "Kami Naman" ay tinula niya ang kasunod: + + + + "KAMI NAMAN" + + Bayang inaapi, ako'y nananalig + na ang bawa't sikat ng araw sa langit, + taglay ang tinig mong malungkot na tinig. + At iya'y hindi ko matalos kung bakit + ikaw'y lumuluha, ikaw'y tumatangis + gayong may lakas ka't may Bayaning Bisig. + + Subali't hintay ka; aking ibubuhay + ang isang alagad na dapat asahan. + Lumingon ka roon, sa dakong Timugan + at mamamalas mong na nawawagayway + ang isang Bandilang kapitapitagan + ng kilala't bantog na ang KAMI NAMAN. + + Yao'y Kapisanang sagana sa lahat, + sagana sa dunong, sagana sa lakas + at hindi marunong matakot sa tawag + ng kanyang kalabang mayaman sa gilas, + pagka't alam niya't kanyang natatatap + na ang Mundong ito'y Mundo ng pangarap. + + Isang Kapisanang ang bawa't kasapi + ay may siglang taglay na kahilihili: + isang Kapisanang ang hakbang ay laging + tungo sa pagsulong, tungo sa lwalhati: + sapagka't ang kanyang darakilang Mithi'y + itanggol ang api: matwid ay maghari. + + Yao'y binubuu ng dukha't mayaman + ng mangmang at paham, bata at may gulang, + sapagka't ang kanyang isang patakaran + na salig sa loob noong Kapisanan, + ang dukha'y ibangon, ang aba'y tulungan, + wala ni mataas; pawang pantaypantay. + + At, ito'y tulain ng mga makata, + dakila sa lalong Samahang dakila, + maningning sa lalong maningning na tala; + at sapagka't ito'y butihing diwata, + ako, ikaw, sila, ang lahat na'y pawa + namang gumigiliw at nagsisihanga. + + Kay Francisco Dizon dapat kilalanin + ang pagkakatatag ng napakagiting + na Samahang yaong may tanging layunin: + siya ang pumukaw, siya ang gumising + sa nangatutulog na mga damdaming + na nangalalango sa pagkakahimbing. + + Angel de los Reyes: iyan ang pamagat + ng kanyang pangulo nang ito'y matanyag; + Rosendo S. Cruz: isa ring masikap; + Yaman na ang Bayan sa gitna ng gubat + ay hindi nagtamo ng magandang palad + kung kaya nangyaring yao'y itinatag. + + Hindi ba't ang taong likha ni Bathala + ay taglay sa kanyang pagsipot sa lupa + ang mga Tuntuni't Batas ng Paglaya? + Kung ito'y totoo: ¿bakit lumuluha + tayong naririto? Pangarap nga yata + lamang ang umasa't maghintay sa wala. + + Hindi lamang yoon para sa lalaki + kung hindi laan din sa mga babai: + naron si Pascuala Pintor na may iwing + ngiti na ang bawa't ngiti ay pagkasi; + naron si Conchita; at isa pang saksi, + si Anitang laging dinidilidili. + + Nangagsapisapi ang mga binata, + ang kadalagaha'y humalo sa haka + na ang Langit nati'y itanghal, ipala, + sapagka't ang ating darakilang nasa'y + ibangon ang bayan nating lumuluha't + humarap sa lalong malakas sa lupa. + + Oo nga at tunay na dito'y nagkalat + ang mga Samaha't Kapisanang tanyag + subali't tulutang aking maisaad + na ang KAMI NAMAN Samahang mahirap, + sa matuling agos ng luha ng palad, + ay ito ang siyang darampi, huhugas. + + + Ramon S. Torres + Taga "Ilog-Beata". + +Tundo, Maynila, K. P. + + + +Sa likod ng mga papuring ito sa "Kami Naman" ay mayroon namang mga +naiinis sa di maalamang sanhi. Aywan kung anong suliranin ang nagbubuyo +at ang mga ito ay nagpapakaimbi sa pagwawasak ng Samahan. Kinakalaban +ang sariling damdamin, niyuyurakan ang sariling dangal, at binubulag +ang sariling paningin. Hindi pa man ipinanganganak ang "Kami Naman" +ay binanta ng lasunin. Sa kanila ang lahat ng kilos ng "Kami Naman" +ay pawang hindi matwid. Salamat sa pusong matimpi ng Pangulong De +los Reyes at di man siya natukso. Salamat din sa kalamigang loob ng +mga kasapi at di man sila nabalino. Talagang gayon: ang tao habang +natatanyag ay lalong dumadami ang kaaway. At ang Samahan upang mabuhay +kung minsa'y dapat magkaroon ng mga kalaban. + +Kung paanong sa kasaysayan ng Pilipinas ay may isang siglo oscuro o +isang daang taong madilim, ang "Kami Naman" ay nagkaroon din. Dahil +sa katapangan ng isang kalulwa at dahil sa pagkatupad ng wikang ang +pagtitiwala'y nakamamatay, ay nagkaroon ng isang maalingawngaw na +usapin ang mga nagtataguyod ng Samahan. Dapat malamang ang usapin ay sa +ilang tao lamang at di ng boong Samahan. Ang Pangulo at ang Ingatyaman +ay kapuwa inupasalaang umano'y mga magnanakaw. Hinubaran ng puri at +tinanghal na mga magdaraya. Hindi na kinilala ang pagkatao ng mga +nagbintang at pinagbibintangan. Hindi na siniyasat ang kasaysayan +ng isa't isa. ¡Kay taas na ganting pala sa nagpapakamatay sa +pagtataguyod ng isang Samahan! Sa gayo'y umawit ng tagumpay ang mga +sumasamantala sa sigalot. Ang pagkatagpo nila ng babaing lumabag sa +kanyang kahinhinan ay siyang nagpatibay sa paguusig na ito. Nguni't +sa pitak ng mga pahayagan ay tahasang inilahad ni G. De los Reyes, +ang boong nangyari. At sa likod ng sigalot na ito ang mga umusig din +ang nagpapahayag na batid nilang walang salaping nawawala. Ano pa't +paghihiganti o pagkainis lamang ang kanilang ginawa. Matapat na awa +ang dapat iyukol sa namamatay sa pagtupad sa kanyang pananalig.... + +Ipalagay ng ang Pangulong De los Reyes at ang Ingatyamang Malonzo, +ay nagkasala; bulagin na natin ang ating dangal at bingihin na natin +ang ating damdamin; aminin ng sila'y nagkamali: ¿ano ngayon? ¿Anong +kapinsalaan mayroon sa Samahan? ¿Ang G. De los Reyes ba at ang +G. Malonzo ang "Kami Naman"? ¿Sila bang dalawa ang bumubuo ng +Samahan? ¡Hindi! ¡Hindi! At ang sumamba sa gayon ay walang pagsampataya +sa kanyang dangal.... + +Upang pabulaanan pa ang kumalat na balita, na ang "Kami Naman" ay +naligalig, ay na ito naman ang bahagi ng ilang salaysay ni G. De +los Reyes: + + + "....Sa isang Samahang na walang tumitiwalag ni itinitiwalag + na kaanib, ang Samahang iyan ay buo, matatag, at buhay. Iyan ay + pinaghaharian ng kapayapaan at sapupo ng lalong matamis, dalisay, + at matimyas na pagkakapatiran...." + + +Palibhasa'y lubos ang pagtitiwala ng mga kaanib sa "Kami Naman" +sa kanilang Pangulo at Ingatyaman ang Samahan ay di mang naligalig +sa sigalot na nangyari sa mga nagtataguyod ng Samahan. Bagkus lalong +nagibayo ang sikap at sigla. At upang lalong mapaayos ang Damayan ay +itinigil ng may dalawang buwan. Ang Damayan lamang ang itinigil dahil +sa pagbibitiw ng tungkulin ni G. De los Reyes. Pagkatapos ayusin ay +naghahalili ng Pamahalaan ng Samahan. Ano pa't malaking kabulaanan ang +ipinamamansag ng iba na nalansag na raw ang "Kami Naman". Hindi, hindi +nalalansag. Hayan at kumilos ng boong sigla at boong ningning. Gaya +rin ng dati ay nakatayo pa ang kanyang mga haligi. + +Sa kabantugan ng "Kami Naman" ay malaki ang naitutulong ng Lupon ng +mga Manunulat. Nagbukas ito ng isang aklatan sa kapakinabangan ng +lahat. Kasapi at hindi sa "Kami Naman" ay binibigyan ng laya. Doon +ay sarisaring pahayagan at iba't ibang aklat ang nagaantabay sa +kahi't kanino. + +Bukod sa pagsisikap ng Lupon ng mga Manunulat ng "Kami Naman" na +makapagpalabas ng mga akda, ay naguukol din ng panahon sa paglilinang +ng wikang tagalog. Ang katotohana'y napalaban na sila sa tanyag +na Aklatang Barusog. Ang mga taga "Kami Naman" ay ayaw gumalang sa +pagpatay ng N sa piling ng G. Ano pa't hindi sila kaayon sa modang +ang ANG ay isulat ng AG (pinatay ang N). Ang mga taga Aklatang Barusog +ay nagtanggol naman sa kabilang panig. + +Sa mga ikinilos na ito ng Lupon ng mga Manunulat ng "Kami Naman" ay +kinilala ni G. Sofronio G. Calderon ang kanilang pagsusumakit. At na +ito ang isa niyang lathala na tumutukoy sa: + + + KAPAKANAN ÑG WIKANG TAGALOG + + Ito ngang wikang Tagalog, itong wika nina Solima't Lakandula, + nila Balagtas at Pilapil, nila Rizal na ngayo'y kasalukuyang + pinagmamasakitan ng Aklatang KAMI NAMAN, ay hindi lihim, at sa + katunayan ay nariyan ang lagda ng mga bantog na mananalaysay + na kumilala ng kasakdalan ng wikang ito, palibhasa'y ang wikang + Tagalog ay isang wikang may sariling likas, may sariling ganda, may + sariling yaman at isang wikang maipagbabadiya ng tanang saloobin at + damdaming sumasapuso't ísip ng tao; anopa't sa katagang sabi, itong + wikang Tagalog na ating kinamulatan, nilakhan at pinaka kaluluwa + ng ating bayan ay may dakilang kapakanan ayon sa pagkakaakma't + pagkakabalangkas sa isang paraang tumpak at kagilagilalas. + + Sofronio G. Calderón. + + +Dahil sa talino ng isa sa mga "Bituin" ng "Kami Naman" ang Lupon ng +mga Manunulat ay nagkamit ng karangalang sa "Kami Naman" nanggaling +ang ikatlo sa mga babaing pilipina na kumatha ng kasaysayan. Iyan +ay si Bb. Pascuala Pintor na sumulat ng nobelang "Tagumpay ng Api", +na siyang unang aklat na pinalabas ng Lupon ng mga Manunulat. Kung +¿ano ang "Tagumpay ng Api"? ang isang liham ni G. Aurelio Tolentino +ang dapat sumagot: + + + "Bb. Pascuala Pintor. + + "Mahal na binibini: + + "Tinanggap ko po at pinasasalamatan ang mahalagang handog ninyo sa + akin, isang salin ng inyong matalinong nobelang "Tagumpay ng Apí". + + "Kulang ang lahat ng papuring kaya kong sabihin, upang tumbasan + ang hiwagang sarap ng aklat na nabanggit. Bukod sa talagang + may kalugodlugod na ganda sa pagkakahanay ng mga salitang bihis + ng kanyang mayayamang isipan, ay naghahandog pa sa damdamin ng + ulirang buhay na gaya ng kay Teban, aralan gaya ng kay Titay at + katarungang gaya ng kay Mameng at kay Leon. + + "Palibhasa'y marami na ang mga nobelang Tagalog; dahil sa mga + mahahalaga rin naman ay maitutulad sa isang kuwintas na gintong + sinasagisag ng bagong buhay. Ang "Tagumpay ng Apí", ngayong + mapakituhog sa kuwintas na iyan, ay naging pinakamaluningning + na «relicariong» tinampakan ng makikinang na batong diamante, + at may mahal na laman sa loob, ang buhay na larawan ng kabaitang + nagtagumpay sa dagok ng kapaslangang binigti ng katarungan ng + sariling damdamin. + + "Naghihintay pagutusan ang talisuyo nilang si + + + "Aurelio Tolentino. + + "Maynila, ika 30 ng Junio ng 1914." + + +Sumunod na pinalabas ng mga manunulat ng "Kami Naman" ang aklat ni +G. Rosendo S. Cruz. "Tuntunin ng Pulong" ang pamagat at gaya rin ng +"Tagumpay ng Api" ay nagtamo ng mga bati at papuri. Isa na rito ang +kalatas ng isang taga Malabon, Rizal, na si G. Amado Jacinto. Aniya'y + + + "Malabon, Rizal, S. P. + "Ika 30 ng Okt., 1914. + + "G. Rosendo S. Cruz. + + "Mahal na kaibigan: Tinanggap ko ang isang salin ng iyong mahalaga + at munting aklat na ang pamagat ay "Tuntunin ng Pulong", at ako'y + nagpapasalamat ng marami. + + "Rosendo, ang iyong aklat, sa ganang sarili ko, ay dapat mong + ipagkapuri. ¿At bakit? Sapagka't sa aklat mong itong maliit at mura + lamang ay mayroon kang isang dakilang bagay na matuturo. At ito'y + ang pagpapakilala mo sa iba, na ang kahalagahan ng isang katha'y + wala sa kapal at sa laki, kundi nasa uri at saka sa layon: uring + siyang bilang pinakapagaari ng isang aklat, at layon namang siyang + tunay na ariariang kinapapalamnan ng dañgal ng isang kumatha. + + "Ang uring tinutukoy ko rito ñgayon ay hindi ang tungkol sa + kalinisan o karumham ng literatura, kundi ang kung nakapagtuturo + o hindi nakapagtuturo; at ang sa layon nama'y kung mabuti o híndi, + samakatuwid ay kung ang pakinabañgan o makinabang lamang. + + "Kapag ang isang aklat ñga'y may uring nakapagtuturo at may + mabuting layon, para sa akin ay sukat na, upang kalugdan kong + basahin at hanggang sa purihin pa pati ng kumatha. + + "¡At lalo pa marahil, kung ang kumathang iya'y isang kaibigang + katulad mo! ¿Hindi ba? + + "Tungkol sa pagbabasa ng mga aklat ay aking maipagtatapat sa iyong + ako ñga'y mayroon ng kakaibang panglasa kay sa dati, at ang sabi + ko'y ganito, sapagka't hindi na ako nalulugod ñgayon sa mga Felipe + Trigo at Eduardo Zamacois, diyan sa mga mapaglarawan at mapaglikha + ng mga kuwadrong nakapagpapagalaw ng laman at nakapagpapakalam + ng balat, na sa mahinang loob ay sapat makapagdulot ng isang + masidhing pagkakilití; kundi doon na unti-unting nawiwili ang + aking loob sa mga Heberto Spencer at Samanuel Smiles, sa mga Noé + Porter at Tomas Stanley. + + "At dahil sa ganitong pagbabago ng aking hilig, ay huwag ilalaki ng + iyong loob na ipalagay at sabihing kong ang aklat mo'y lalo pang + kapuri-puri kay sa di iisa't dadalawang naghahalaga riyan ng 40 + at 50 sentimos, sa pagka't ang iyo'y nakatutulong sa pagtitipid + ng panahon ng mga samahan kung sila'y may pinagpupuluñgan, + samantalang ang mga yao'y pawang mga awit ding mistula ng nakalipas + na panahon natin, iba ñga lamang ang pañgalan, anyo at bihis; + dapuwa'y sing-isa ring walang nagagawa kundi ang magparami ng + mga pañgahas, pilyo, at palalo. + + "Iyan ang mga sanhi, kung kaya't baga man may kulang at di mo + binuó ang "Tuntunin ng Pulong" na iyong sinulat, ay hinahandugan + din kita ng isang maligayang bati, na kasabay ng pakikikamay ko'y + tanggapin mo rito sa tapat, at natatalaga mong kaibigan. + + + (May lagda.) "Amado Jacinto." + + +Ang ikatlong aklat na ipinalimbag ay ang "Agawan ng Dangal" na akda +naman ni Bb. Fausta Cortes. Ang nagpanukala't nagtatag ng mga balitang +"Ilaw at Panitik", "Aklatang Barusog" (mga Samahan ng mga manunulat na +tagalog) at "Hijos del Siglo" na si G. Honorato H. de Lara ay siyang +nagpakilala sa madla kung ano ang "Agawan ng Dangal". + +Isang liga ng indoor base ball ang itinanyag naman ng Lupon sa +Pagpapalakas. Ang bituing Concepcion Magallanes ay siyang naghagis +ng unang pukol ng bola. Limang team ang lumaro at ito'y ang "Marte", +"Katubusan", "Sinag Kapuluan", "Makabayan", at "Kami Naman". Ang +"Marte" ang nagtamo ng tanging gantingpala. + +Ang Lupon ng mga Bituin ay kalabisan ng sabihin pa kung ano ang +nagawa at ginagawa. Sukat ang ipagtapat na utang sa mga "bituing" +ito, ang lahat ng ikinilos ng "Kami Naman". Paano'y sila ang buhay +at kalulwa ng Samahan. + +Patuloy sa magiliw na pagdadamayan ang Lupon sa Damayan. + +Nguni't ang Lupon sa Kalakal ay napahimbing. Ang Lupon na ito lamang +ang nagmintis. Gayon ma'y nakapagtayo rin ng tindahan noong Febrero +ng 1913, baga man nabuhay ng may anim na buwan lamang. + +Sa mga kasiglahang ito ng mga lupon ng "Kami Naman" ang Samahan ay +palaging nakapagwawasiwas ng watawat ng tagumpay sa lahat ng kanyang +balak. At man sa tuwing bago siyang panukala, ang mga pahayagan ay +nangagsabing «Bagong maningning na dahon na naman ang mapaparagdag +sa hinahangaang kasaysayan ng "Kami Naman".» + +At dapat namang dakilain ang "Kami Naman", palibhasa'y isang samahang +nakikipagkapatiran sa lahat, sampu sa mga nagpapakaimbi sa pagpatay +sa kanya. Kung totoo mang may mga kamaliang nagawa ay totoo rin namang +lalong marami ang tumpak na pinangatawanan. + +Diyan natapos ang dalawang taong pamamahala ni G. Angel de los Reyes +na nagwagi sa tatlong halalang sunod-sunod sa pagka Pangulo ng Samahan. + +¡¡¡Panahon ang humatol sa magiging kapalaran ng mga samahang katulad ng +"Kami Naman"!!! + + + + HANGGA + + + + + + +End of the Project Gutenberg EBook of Agawan ng Dangal, by Fausta Cortes + +*** END OF THE PROJECT GUTENBERG EBOOK 42851 *** |
